Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Gawa 28:1-9

Gawa 28:1-9 ASND

Nang makaahon na kami at ligtas na sa panganib, nalaman namin na ang islang iyon ay tinatawag na Malta. Napakabait sa amin ng mga taga-roon at mabuti ang kanilang pagtanggap sa aming lahat. Nagsiga sila para makapagpainit kami, dahil umuulan at maginaw. Nanguha si Pablo ng isang bigkis ng kahoy na panggatong. Pero nang mailagay na niya ang mga kahoy sa apoy, biglang lumabas ang makamandag na ahas dahil sa init ng apoy, at tinuklaw ang kanyang kamay. Pagkakita ng mga taga-roon sa ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, sinabi nila, “Tiyak na kriminal ang taong ito. Nakaligtas siya sa dagat pero ayaw pumayag ng dios ng katarungan na mabuhay pa siya.” Pero ipinagpag lang ni Pablo ang ahas doon sa apoy at hindi siya napano. Hinihintay ng mga tao na mamaga ang kamay ni Pablo o kayaʼy matumba siya at mamatay. Pero matapos nilang maghintay nang matagal, walang nangyari kay Pablo. Kaya nagbago ang kanilang iniisip. Sinabi nila, “Isa siyang dios!” Ang pangalan ng pinuno ng lugar na iyon ay si Publius. Ang kanyang lupa ay malapit lang sa lugar kung saan kami umahon. Mabuti ang kanyang pagtanggap sa amin, at doon kami tumuloy sa kanila sa loob ng tatlong araw. Nagkataon noon na ang ama ni Publius ay may sakit. May lagnat siya at disintirya. Kaya pumasok si Pablo sa kanyang silid at nanalangin. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa may sakit at gumaling ito. Dahil sa pangyayaring iyon, ang lahat ng may sakit sa isla ay pumunta sa amin at pinagaling din sila.