Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA GAWA 28:1-9

MGA GAWA 28:1-9 ABTAG01

Nang kami'y makaligtas na, noon namin nalaman na ang pulo ay tinatawag na Malta. Pinagpakitaan kami ng hindi karaniwang kabutihan ng mga katutubo, sapagkat sila'y nagsiga, at tinanggap kaming lahat, dahil sa nagsimula nang umulan at maginaw. Ngunit pagkatapos matipon ni Pablo ang isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init, at kumapit sa kanyang kamay. Nang makita ng mga katutubo ang hayop na nakabitin sa kanyang kamay, ay sinabi sa isa't isa, “Tiyak na mamamatay-tao ang taong ito. Kahit siya'y nakatakas sa dagat, gayunma'y hindi hinayaan ng Katarungan na siya'y mabuhay.” Ngunit ipinagpag niya ang hayop sa apoy at siya'y hindi nasaktan. Naghintay sila na inaasahang mamamaga siya o biglang mabuwal na patay; subalit nang matagal na silang naghihintay, at nakitang walang masamang nangyari sa kanya ay nagbago ang kanilang isip at nagsabing siya'y isang diyos. Malapit sa lugar na iyon ay may mga lupaing pag-aari ng pinuno ng pulong iyon, na ang pangalan ay Publio, na tumanggap sa amin at kinupkop kami na may kagandahang-loob sa loob ng tatlong araw. Nagkataon na nakaratay ang ama ni Publio na maysakit na lagnat at disenteriya. Pinuntahan siya ni Pablo at nanalangin, at nang maipatong sa kanya ang kanyang mga kamay ay pinagaling siya. Pagkatapos mangyari ito, nagtungo rin doon ang ibang maysakit sa pulo at sila'y pinagaling.