Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA GAWA 28

28
Sa Malta
1Nang kami'y makaligtas na, noon namin nalaman na ang pulo ay tinatawag na Malta.
2Pinagpakitaan kami ng hindi karaniwang kabutihan ng mga katutubo, sapagkat sila'y nagsiga, at tinanggap kaming lahat, dahil sa nagsimula nang umulan at maginaw.
3Ngunit pagkatapos matipon ni Pablo ang isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init, at kumapit sa kanyang kamay.
4Nang makita ng mga katutubo ang hayop na nakabitin sa kanyang kamay, ay sinabi sa isa't isa, “Tiyak na mamamatay-tao ang taong ito. Kahit siya'y nakatakas sa dagat, gayunma'y hindi hinayaan ng Katarungan na siya'y mabuhay.”
5Ngunit ipinagpag niya ang hayop sa apoy at siya'y hindi nasaktan.
6Naghintay sila na inaasahang mamamaga siya o biglang mabuwal na patay; subalit nang matagal na silang naghihintay, at nakitang walang masamang nangyari sa kanya ay nagbago ang kanilang isip at nagsabing siya'y isang diyos.
7Malapit sa lugar na iyon ay may mga lupaing pag-aari ng pinuno ng pulong iyon, na ang pangalan ay Publio, na tumanggap sa amin at kinupkop kami na may kagandahang-loob sa loob ng tatlong araw.
8Nagkataon na nakaratay ang ama ni Publio na maysakit na lagnat at disenteriya. Pinuntahan siya ni Pablo at nanalangin, at nang maipatong sa kanya ang kanyang mga kamay ay pinagaling siya.
9Pagkatapos mangyari ito, nagtungo rin doon ang ibang maysakit sa pulo at sila'y pinagaling.
10Kami nama'y kanilang binigyan ng maraming parangal; at nang maglalayag na kami ay kanilang isinakay sa barko ang mga bagay na kailangan namin.
Mula sa Malta Patungong Roma
11Makaraan ang tatlong buwan ay naglayag kami sa isang barkong Alejandria na nagpalipas ng tagginaw sa pulo, na ang sagisag ay Ang Magkapatid na Kambal.
12Nang dumaong kami sa Siracusa ay tumigil kami roon ng tatlong araw.
13Mula roo'y lumigid kami at nakarating sa Regio; at pagkaraan ng isang araw ay humihip ang hanging habagat, at nang ikalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli.
14Doon ay nakatagpo kami ng mga kapatid, at kami'y pinakiusapan nilang tumigil sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa gayo'y nakarating kami sa Roma.
15Ang mga kapatid doon, nang mabalitaan ang tungkol sa amin, ay dumating mula sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan upang salubungin kami. Pagkakita sa kanila, si Pablo ay nagpasalamat sa Diyos at lumakas ang kanyang loob.
Sa Roma
16Nang makarating kami sa Roma, si Pablo ay pinahintulutang manirahang mag-isa kasama ang kawal na sa kanya'y nagbabantay.
17Pagkaraan ng tatlong araw, tinipon niya ang mga pinuno ng mga Judio at nang sila'y matipon na, ay sinabi niya sa kanila, “Mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anuman laban sa bayan, o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga-Roma.
18Nang ako'y kanilang nasiyasat na, ibig sana akong palayain ng mga taga-Roma,#28:18 Sa Griyego ay nila. sapagkat walang anumang kadahilanang marapat sa kamatayan na natagpuan sa akin.
19Subalit#Gw. 25:11 nang tumutol ang mga Judio, napilitan akong dumulog kay Cesar, bagaman wala akong paratang laban sa aking bansa.
20Kaya't sa dahilang ito, tinawag ko kayo upang makipagkita at makipag-usap sa inyo, yamang dahil sa pag-asa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito.”
21At sinabi nila sa kanya, “Kami'y walang natanggap na mga sulat na galing sa Judea tungkol sa iyo, ni walang pumaritong kapatid na nagbalita o nagsalita ng anumang masama tungkol sa iyo.
22Subalit ibig naming marinig sa iyo kung ano ang iyong mga iniisip, sapagkat alam namin na maraming nagsasalita ng laban sa sektang ito sa lahat ng mga lugar.”
23Nang sila'y makapagtalaga ng isang araw para sa kanya, nagtungo sila sa kanyang tinutuluyan at napakarami nila. Ipinaliwanag niya sa kanila ang pangyayari buhat umaga hanggang gabi na nagpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos, at sinikap na sila'y mahikayat tungkol kay Jesus, mula sa kautusan ni Moises at mula sa mga propeta.
24Ang iba'y nahikayat sa mga bagay na sinabi niya at ang iba'y hindi naniwala.
25Nang sila'y hindi magkaisa, umalis sila pagkasabi ni Pablo ng isang pahayag: “Tama ang Espiritu Santo sa pagsasalita sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni propeta Isaias na sinasabi,
26‘Pumaroon#Isa. 6:9, 10 (LXX) ka sa bayang ito, at sabihin mo,
tunay na inyong mapapakinggan, ngunit hindi kailanman mauunawaan,
tunay na inyong titingnan ngunit hindi ninyo mamamasdan.
27Sapagkat pumurol na ang puso ng bayang ito,
at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
at pumikit na ang kanilang mga mata;
baka sila'y makakita sa kanilang mga mata,
at makarinig sa kanilang mga tainga,
at makaunawa sa kanilang puso, at magbalik-loob,
at sila'y aking pagalingin.’
28Maging hayag nawa sa inyo na ang kaligtasang ito ng Diyos ay ipinadala sa mga Hentil at sila'y makikinig.”
[29At nang masabi na niya ang mga salitang ito'y nagsialis ang mga Judio, at sila-sila'y nagtalong mabuti.]
30Nanirahan siya roon ng buong dalawang taon sa kanyang sariling inuupahang bahay, at tinatanggap ang lahat ng sa kanya'y nagsasadya,
31na ipinangangaral ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay na tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo, na may buong katapangan at walang sagabal.

Kasalukuyang Napili:

MGA GAWA 28: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in