MGA GAWA 27
27
Naglayag si Pablo Patungong Roma
1Nang ipasiya na kami ay maglalayag patungo sa Italia, inilipat nila si Pablo at ang iba pang bilanggo sa senturion na ang pangalan ay Julio, mula sa mga kawal ni Augusto.
2Pagkalulan sa isang barkong Adrameto na maglalayag sa mga daungan sa baybayin ng Asia, tumulak kami kasama si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica.
3Nang sumunod na araw ay dumaong kami sa Sidon; at pinakitunguhang mabuti ni Julio si Pablo at pinahintulutan siyang pumaroon sa kanyang mga kaibigan upang siya'y matulungan.
4Nang kami'y tumulak buhat doon, naglayag kami na nanganganlong sa Cyprus, sapagkat pasalungat sa amin ang hangin.
5Pagkatapos na makapaglayag kami sa kabila ng dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, nakarating kami sa Mira ng Licia.
6Nakatagpo roon ang senturion ng isang barkong Alejandria na naglalayag patungo sa Italia at pinasakay niya kami roon.
7Marahan kaming naglayag nang maraming araw at may kahirapan kaming nakarating sa tapat ng Cnido. Nang hindi kami pinahintulutan ng hanging makasulong pa, naglayag kami na nanganganlong sa Creta, sa tapat ng Salmone.
8Sa pamamaybay namin dito na may kahirapan ay nakarating kami sa isang lugar na tinatawag na Mabubuting Daungan, malapit sa lunsod ng Lasea.
9Yamang maraming panahon na ang nawala at ang paglalayag ay mapanganib na, sapagkat maging ang pag-aayuno ay nakalampas na, ay pinayuhan sila ni Pablo,
10na sinasabi, “Mga ginoo, nakikita ko na ang paglalayag na ito ay makakapinsala at magiging malaking kapahamakan, hindi lamang sa kargamento at sa barko, kundi pati na rin sa ating mga buhay.”
11Ngunit higit na pinaniwalaan ng senturion ang kapitan at ang may-ari ng barko, kaysa mga bagay na sinabi ni Pablo.
12Sapagkat hindi bagay hintuan sa tagginaw ang daungan, ipinayo ng karamihan na tumulak mula roon at baka sakaling makarating sila sa Fenix at magpalipas ng taglamig doon. Ito ay daungan ng Creta na nasa dakong hilagang-silangan at timog-silangan.
Bumagyo sa Dagat
13Nang marahang humihip ang hanging habagat, na inakala nilang maisasagawa nila ang kanilang layunin; kaya itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta.
14Subalit hindi nagtagal at bumulusok ang isang maunos na hangin na tinatawag na Euraclidon.
15Yamang inabutan ang barko at hindi makasalungat sa hangin, nagpadala na lamang kami at kami'y ipinadpad.
16Sa paglalayag na nanganganlong sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, ay bahagya naming napatakbo ang bangka.
17Nang maitaas na ito, gumawa sila ng paraan upang matalian ng lubid ang barko. Dahil sa takot na baka sila mapapadpad sa Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayo'y naanod sila.
18Kami ay binabayo ng malakas na bagyo, kaya't nang sumunod na araw ay nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat.
19Nang ikatlong araw ay kanilang ipinagtatapon ang mga kasangkapan ng barko.
20Nang hindi sumikat sa amin ang araw ni ang mga bituin man nang maraming araw, at humahampas pa rin sa amin ang isang malakas na bagyo, nawala ang buong pag-asa naming makakaligtas.
21Sapagkat matagal na silang hindi kumakain, tumayo si Pablo sa gitna nila, at sinabi, “Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin, at hindi naglayag mula sa Creta, at naiwasan ang kapinsalaan at kapahamakang ito.
22Ngayon ay ipinapakiusap ko sa inyo na inyong lakasan ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapahamak sa inyo, kundi ang barko lamang.
23Sapagkat sa gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang isang anghel ng Diyos na nagmamay-ari sa akin, at siya ko namang pinaglilingkuran,
24na nagsasabi, ‘Huwag kang matakot, Pablo. Kailangan mong humarap kay Cesar. At tunay na ipinagkaloob ng Diyos ang kaligtasan sa lahat ng kasama mo sa paglalayag.’
25Kaya, mga ginoo, lakasan ninyo ang inyong loob, sapagkat ako'y sumasampalataya sa Diyos na mangyayari ito ayon sa sinabi sa akin.
26Subalit tayo'y kailangang mapadpad sa isang pulo.”
27Nang dumating ang ikalabing-apat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa kabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating-gabi na ay inakala ng mga mandaragat na sila'y papalapit na sa lupa.
28Nang kanilang tarukin ay nalamang dalawampung dipa; at pagkasulong ng kaunti ay tinarok nilang muli at nalamang may labinlimang dipa.
29Sa takot naming mapapadpad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan at nanalanging mag-umaga na.
30Subalit nang magtangka ang mga mandaragat na makaalis sa barko at ibinaba ang bangka sa dagat, na ang idinadahilan ay maghuhulog sila ng mga angkla sa unahan,
31ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, “Malibang manatili ang mga taong ito sa barko, kayo'y hindi makakaligtas.”
32Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.
33Nang mag-uumaga na, hinimok silang lahat ni Pablo na kumain, na sinasabi, “Ang araw na ito ang ikalabing-apat na araw na kayo'y naghihintay na walang kinakaing anuman.
34Kaya't ipinapakiusap ko sa inyo na kayo'y kumain; ito ay para sa inyong kaligtasan, sapagkat hindi malalaglag kahit ang isang buhok sa ulo ng sinuman sa inyo.”
35Nang masabi na niya ito, at makakuha ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Ito'y kanyang pinagputul-putol at nagsimulang kumain.
36Nang magkagayo'y lumakas ang loob ng lahat, at sila nama'y kumain din.
37Kaming lahat na nasa barko ay dalawandaan at pitumpu't anim na kaluluwa.
38Nang makakain na sila nang sapat, pinagaan nila ang barko sa pamamagitan ng pagtatapon ng trigo sa dagat.
Nagpatuloy ang Barko
39Nang mag-umaga na, hindi nila napansin ang lupa, ngunit nababanaagan nila ang isang look na may baybayin, at sila'y nagbalak na maisadsad doon ang barko.
40Inihulog nila ang mga angkla at kanilang iniwan iyon sa dagat samantalang kinakalag ang mga tali ng mga ugit. Nang maitaas na nila sa hangin ang layag sa unahan ay nagtungo sila sa baybayin.
41Ngunit pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, ay kanilang isinadsad ang barko at ang unahan ng barko ay hindi nakaalis at nanatiling hindi kumikilos, at ang hulihan ay winasak ng lakas ng mga alon.
42Ang balak ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo upang ang sinuma'y hindi makalangoy at makatakas.
43Sa pagnanais na iligtas si Pablo, pinigil sila ng senturion sa kanilang balak. Ipinag-utos niya na ang mga marunong lumangoy ay tumalon, at mauna na sa lupa;
44at ang mga naiwan ay sumunod, ang ilan ay sa ibabaw ng mga kahoy, at ang iba ay sa bahagi ng barko. Sa gayon ang lahat ay ligtas na nakarating sa lupa.
Kasalukuyang Napili:
MGA GAWA 27: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001