MGA GAWA 26
26
Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Agripa
1Sinabi ni Agripa kay Pablo, “May pahintulot kang magsalita para sa iyong sarili.” Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at ginawa ang kanyang pagtatanggol:
2“Itinuturing kong mapalad ako, Haring Agripa, na sa harapan mo ay gagawin ko ang aking pagtatanggol sa araw na ito laban sa lahat ng ipinaratang ng mga Judio;
3sapagkat bihasa ka sa lahat ng mga kaugalian at mga usapin ng mga Judio, kaya ipinapakiusap ko sa iyo na matiyaga mo akong pakinggan.
4“Ang aking pamumuhay mula sa aking pagkabata, na simula pa'y ginugol ko na sa aking bansa at sa Jerusalem, ay nalalaman ng lahat ng mga Judio.
5Nalalaman#Gw. 23:6; Fil. 3:5 nila mula pa nang una, kung handa silang magpatunay, na alinsunod sa pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon ay namuhay ako bilang isang Fariseo.
6At ngayo'y nakatayo ako rito upang litisin dahil sa pag-asa sa pangakong ginawa ng Diyos sa aming mga ninuno;
7na inaasahang matamo ng aming labindalawang lipi sa kanilang masigasig na paglilingkod gabi at araw. At dahil sa pag-asang ito ay isinasakdal ako ng mga Judio, O hari!
8Bakit inaakala ninyong hindi kapani-paniwalang binubuhay ng Diyos ang mga patay?
9“Ako#Gw. 8:3; 22:4, 5 mismo ay napaniwala na dapat akong gumawa ng maraming mga bagay laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret.
10At ginawa ko ito sa Jerusalem; at hindi ko lamang kinulong sa mga bilangguan ang marami sa mga banal, sa pamamagitan ng awtoridad mula sa mga punong pari, kundi nang sila'y ipapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsang-ayon laban sa kanila.
11Madalas ko silang pinarurusahan sa lahat ng mga sinagoga at pinipilit ko silang manlapastangan; at sa nag-aalab na pagkagalit sa kanila ay pinag-uusig ko sila maging sa mga lunsod sa ibang lupain.
Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Pagbabagong-loob
(Gw. 9:1-19; 22:6-16)
12“Kaya't naglakbay ako patungo sa Damasco na taglay ang awtoridad at pahintulot ng mga punong pari.
13Nang katanghalian, O hari, ay nakita ko sa daan ang isang liwanag mula sa langit na higit na maliwanag kaysa araw, na nagningning sa palibot ko at sa mga naglalakbay na kasama ko.
14Nang bumagsak kaming lahat sa lupa ay narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig? Makakasakit sa iyo ang sumikad sa matutulis.’
15At sinabi ko, ‘Sino ka ba, Panginoon?’ At sinabi ng Panginoon, ‘Ako'y si Jesus na iyong pinag-uusig.
16Subalit bumangon ka, at ikaw ay tumindig sapagkat sa layuning ito nagpakita ako sa iyo, upang italaga kang lingkod at maging saksi sa mga bagay na nakita mo sa akin at sa mga bagay na ipapakita ko pa sa iyo.
17Ililigtas kita sa mga kababayan mo at sa mga Hentil, na sa kanila'y isinusugo kita,
18upang buksan ang kanilang mga mata, at sila'y magbalik mula sa kadiliman tungo sa liwanag at mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Diyos, upang makatanggap sila ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng isang pook sa piling ng mga ginawang banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.’
Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Paglilingkod
19“Pagkalipas noon, O Haring Agripa, hindi ako naging suwail sa makalangit na pangitain,
20kundi#Gw. 9:20, 28, 29 ipinangaral muna sa mga nasa Damasco, at pagkatapos ay sa Jerusalem, at sa buong lupain ng Judea, at sa mga Hentil, na sila'y magsisi at magbagong-loob sa Diyos at gumawa ng mga gawang naaangkop sa pagsisisi.
21Dahil dito hinuli ako ng mga Judio sa templo at pinagsikapang ako'y patayin.
22Hanggang sa araw na ito ay natatamo ko ang tulong mula sa Diyos, kaya't nakatayo akong nagpapatotoo sa maliliit at gayundin sa malalaki, na walang sinasabi kundi ang sinabi ng mga propeta at ni Moises na mangyayari:
23na#1 Cor. 15:20; Isa. 42:6; 49:6 ang Cristo ay dapat magdusa at sa pagiging una sa pagbangon mula sa mga patay, ay ipahayag ang liwanag sa bayan, at gayundin sa mga Hentil.”
24Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito sa kanyang pagtatanggol, ay sinabi ni Festo nang may malakas na tinig, “Pablo, ikaw ay baliw; ang labis mong karunungan ay siyang nagpapabaliw sa iyo!”
25Ngunit sinabi ni Pablo, “Hindi ako baliw, kagalang-galang na Festo; kundi mga salita ng katotohanan at katuwiran ang sinasabi ko.
26Sapagkat nalalaman ng hari ang mga bagay na ito, at sa kanya'y nagsasalita ako ng buong laya, sapagkat naniniwala ako na sa kanya'y walang nalilingid sa mga bagay na ito; sapagkat ito'y hindi ginawa sa isang sulok.
27Haring Agripa, naniniwala ka ba sa mga propeta? Nalalaman kong naniniwala ka.”
28At sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa maikling panahon ay hinihikayat mo akong maging Cristiano!”
29Ngunit sinabi ni Pablo, “Loobin nawa ng Diyos, na sa madali o matagal man, ay hindi lamang ikaw, kundi maging ang lahat ng mga nakikinig sa akin ngayon, ay maging katulad ko naman, maliban sa mga tanikalang ito.”
30Pagkatapos ay tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang mga nakaupong kasama nila,
31at nang sila'y makalayo, ay sinabi nila sa isa't isa, “Ang taong ito ay walang anumang ginagawa na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala.”
32Sinabi ni Agripa kay Festo, “Ang taong ito ay maaari na sanang palayain kung hindi siya dumulog kay Cesar.”
Kasalukuyang Napili:
MGA GAWA 26: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001