May isang lalaki na ang pangalan ay Lazarus. Siya at ang mga kapatid niyang sina Maria at Marta ay nakatira sa Betania. Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan niya ng kanyang buhok. Nagkasakit si Lazarus, kaya nagpasabi ang magkapatid na babae kay Jesus na may sakit ang minamahal niyang kaibigan. Nang mabalitaan ito ni Jesus, sinabi niya, “Ang sakit na itoʼy hindi tungo sa kamatayan. Nagkasakit siya upang maparangalan ang Dios, at sa pamamagitan nitoʼy maparangalan din ang Anak ng Dios.”
Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazarus. Pero nang mabalitaan niyang may sakit si Lazarus, nanatili pa siya ng dalawang araw sa kinaroroonan niya. Pagkalipas ng dalawang araw, sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Bumalik na tayo sa Judea.” Sumagot sila, “Guro, kamakailan lang ay tinangka kayong batuhin ng mga Judio. Bakit pa kayo babalik doon?” Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt may 12 oras sa maghapon? Kaya ang naglalakad sa araw ay hindi natitisod, dahil maliwanag pa. Ngunit ang naglalakad sa gabi ay natitisod, dahil wala na sa kanya ang liwanag.” Pagkatapos, sinabi pa ni Jesus, “Ang kaibigan nating si Lazarus ay natutulog. Pupunta ako roon upang gisingin siya.” Sinabi ng mga tagasunod niya, “Panginoon, kung natutulog siya, gagaling pa siya.” Ang akala nilaʼy natutulog lang si Lazarus, pero ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na ito. Kaya tinapat sila ni Jesus, “Patay na si Lazarus. Ngunit nagpapasalamat ako na wala ako roon, dahil ang gagawin kong himala sa kanya ay para sa kabutihan ninyo, upang lalo pa kayong sumampalataya sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.” Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagsabi sa mga kapwa niya tagasunod, “Sumama tayo sa kanya, kahit mamatay tayong kasama niya.”
Nang dumating si Jesus sa Betania, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazarus. May tatlong kilometro lang ang layo ng Betania sa Jerusalem, kaya maraming Judio galing sa Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid.
Nang marinig ni Marta na dumarating na si Jesus, sinalubong niya ito; pero si Maria ay naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung nandito kayo ay hindi sana namatay ang kapatid ko. Ngunit kahit ngayon, alam kong ibibigay sa inyo ng Dios ang anumang hilingin nʼyo sa kanya.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Muling mabubuhay ang kapatid mo.”