Noon ay mayroong isang tao na maysakit, si Lazaro na taga-Betania, ang nayon nina Maria at Marta na kanyang mga kapatid.
Si Maria ang siyang nagbuhos sa Panginoon ng pabango, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang buhok. Ang kanyang kapatid na si Lazaro ay may sakit.
Kaya't ang magkapatid na babae ay nagbalita kay Jesus, “Panginoon, siya na iyong minamahal ay may sakit.”
Ngunit nang ito ay marinig ni Jesus ay sinabi niya, “Ang sakit na ito'y hindi tungo sa kamatayan, kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos, upang ang Anak ng Diyos ay luwalhatiin sa pamamagitan nito.”
Mahal nga ni Jesus si Marta, at ang kanyang kapatid na babae, at si Lazaro.
Nang mabalitaan niya na si Lazaro ay may sakit, siya'y nanatili ng dalawang araw pa sa dating lugar na kinaroroonan niya.
Pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, “Pumunta tayong muli sa Judea.”
Sinabi sa kanya ng mga alagad, “Rabi, ngayo'y pinagsisikapan kang batuhin ng mga Judio, at muli kang pupunta roon?”
Sumagot si Jesus, “Hindi ba ang maghapon ay may labindalawang oras? Ang lumalakad samantalang araw ay hindi natitisod, sapagkat nakikita niya ang ilaw ng sanlibutang ito.
Ngunit ang taong lumalakad samantalang gabi ay natitisod, sapagkat wala sa kanya ang ilaw.
Pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, “Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog, ngunit ako'y pupunta roon, upang gisingin siya.”
Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Panginoon, kung siya'y natutulog, siya'y gagaling.”
Subalit ang sinasabi ni Jesus ay tungkol sa pagkamatay ni Lazaro, subalit inakala nila na ang tinutukoy niya ay ang karaniwang pagtulog.
Kaya't pagkatapos ay maliwanag na sinabi sa kanila ni Jesus, “Namatay si Lazaro,
at ikinagagalak ko alang-alang sa inyo na ako'y wala roon, upang kayo'y sumampalataya. Gayunma'y tayo na sa kanya.”
Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagsabi sa mga kapwa niya alagad, “Pumunta rin tayo upang mamatay na kasama niya.”
Kaya't nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro.
Ang Betania ay malapit sa Jerusalem, na may layong tatlong kilometro.
At maraming mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria, upang sila'y aliwin dahil sa kanilang kapatid.
Nang marinig ni Marta na si Jesus ay dumarating, siya ay pumunta at sinalubong siya, samantalang si Maria ay naiwan sa bahay.
Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung narito ka sana hindi sana namatay ang kapatid ko.
Subalit kahit ngayon ay nalalaman ko, na anumang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Muling mabubuhay ang iyong kapatid.”