Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 9:18-41

Juan 9:18-41 ASND

Pero ayaw pa ring maniwala ng mga pinuno ng mga Judio na siya nga ang dating bulag na ngayon ay nakakakita na. Kaya ipinatawag nila ang mga magulang niya at tinanong, “Anak nʼyo ba ito? Totoo bang ipinanganak siyang bulag? Bakit nakakakita na siya ngayon?” Sumagot ang mga magulang, “Anak nga po namin siya, at ipinanganak nga siyang bulag. Pero hindi namin alam kung paano siya nakakita at kung sino ang nagpagaling sa kanya. Siya na lang po ang tanungin ninyo. Nasa tamang edad na siya, at kaya na niyang sumagot para sa sarili niya.” Ito ang sinabi ng mga magulang ng lalaki dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Sapagkat napagkasunduan na ng mga pinuno ng mga Judio na ang sinumang kikilala kay Jesus bilang Cristo ay hindi na tatanggapin sa sambahan nila. Kaya ganito ang isinagot ng mga magulang: “Nasa tamang edad na siya. Siya na lang po ang tanungin ninyo.” Kaya ipinatawag nila ulit ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sumumpa ka sa harap ng Dios na sasabihin mo ang totoo! Alam naming makasalanan ang taong iyon!” Sumagot ang lalaki, “Hindi ko po alam kung makasalanan siya o hindi. Ang alam ko lang ay dati akong bulag, pero nakakakita na ngayon.” Tinanong pa nila ang lalaki, “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano ka niya pinagaling?” Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, pero ayaw naman ninyong maniwala. Bakit gusto ninyong marinig ulit ang sagot ko? Gusto po ba ninyong maging mga tagasunod niya?” Kaya nagalit sila at ininsulto ang lalaki. Sinabi nila, “Tagasunod ka niya, pero kami ay mga tagasunod ni Moises. Alam naming nagsalita ang Dios kay Moises, pero ang taong iyon ay hindi namin alam kung saan nanggaling!” Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang nakakapagtaka. Hindi nʼyo alam kung saan siya nanggaling, pero pinagaling niya ang mata ko. Alam nating hindi pinakikinggan ng Dios ang mga makasalanan, pero ang sinumang may takot sa Dios at gumagawa ng kanyang kalooban ay panakikinggan niya. Kailanmaʼy wala pa tayong narinig na may taong nakapagpagaling ng taong ipinanganak na bulag. Kung hindi nanggaling sa Dios ang taong iyon, hindi niya magagawa ang himalang ito.” Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, “Ipinanganak kang makasalanan! At ang lakas pa ng loob mo ngayon na pangaralan kami!” At pinagbawalan nila siyang pumasok sa sambahan nila. Nabalitaan ni Jesus na pinagbawalang pumasok sa sambahan ang dating bulag, kaya hinanap niya ito. At nang matagpuan niya, tinanong niya ito, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po siya? Sabihin nʼyo po sa akin upang sumampalataya ako sa kanya.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Nakita mo na siya, at siya ang kausap mo ngayon.” Sinabi agad ng lalaki, “Panginoon, sumasampalataya po ako sa inyo.” At lumuhod siya at sumamba kay Jesus. Sinabi pa ni Jesus, “Naparito ako sa mundo upang hatulan ang mga tao. Ang mga taong umaaming bulag sila sa katotohanan ay makakakita, ngunit ang mga nagsasabing hindi sila bulag sa katotohanan ay hindi makakakita.” Narinig ito ng ilang Pariseong naroon, at nagtanong sila, “Sinasabi mo bang mga bulag din kami?” Sumagot si Jesus, “Kung inaamin nʼyong mga bulag kayo sa katotohanan, wala sana kayong kasalanan. Ngunit dahil sinasabi ninyong hindi kayo bulag, nangangahulugan ito na may kasalanan pa rin kayo.”