Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 9:18-41

Juan 9:18-41 RTPV05

Ayaw maniwala ng mga Judio na siya'y talagang dating bulag kaya't ipinatawag nila ang kanyang mga magulang. “Anak nga ba ninyo ito? Talaga bang siya'y ipinanganak na bulag? Bakit nakakakita na siya ngayon?” tanong nila. Sumagot ang kanyang mga magulang, “Anak nga namin siya at siya'y ipinanganak ngang bulag. Ngunit hindi po namin alam kung bakit nakakakita na siya ngayon, o kung sino ang nagpagaling sa kanya. Siya na po ang tanungin ninyo. May sapat na gulang siya at makakapagsalita na para sa kanyang sarili!” Ganoon ang sabi ng kanyang mga magulang dahil takot sila sa mga Judio. Alam nilang pinagkaisahan ng mga Judio na itiwalag sa sinagoga ang sinumang magpahayag na si Jesus ang Cristo. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng kanyang mga magulang, “Siya'y nasa tamang gulang na, siya ang tanungin ninyo.” Muli nilang ipinatawag ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sa pangalan ng Diyos, magsabi ka ng totoo. Alam naming ang taong iyon ay makasalanan.” Sumagot siya, “Hindi ko po alam kung siya'y masamang tao, o hindi. Isang bagay po ang alam ko; ako'y dating bulag, subalit ngayo'y nakakakita na.” “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niyang pinagaling ang iyong mga mata?” tanong nila. Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, at ayaw naman ninyo akong paniwalaan. Bakit gusto ninyong marinig muli? Nais ba ninyong maging alagad din niya?” At siya'y kanilang minura, “Ikaw ay alagad niya! Ngunit kami'y mga alagad ni Moises. Nalalaman naming nagsalita ang Diyos kay Moises ngunit ang taong iyon, ni hindi namin alam kung saan siya nanggaling!” Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang nakapagtataka! Hindi ninyo alam kung saan siya nanggaling, gayunpaman, pinagaling niya ang aking mga mata. Alam nating hindi pinapakinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit pinapakinggan niya ang mga tunay na sumasamba sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban. Noon pa man ay walang nakapagpapagaling ng mata ng taong ipinanganak na bulag. Wala pong magagawa ang taong iyon kung siya'y hindi mula sa Diyos!” Sumagot sila, “Ipinanganak kang makasalanan at ngayo'y nais mo pa kaming turuan!” At siya'y kanilang itiniwalag. Nabalitaan ni Jesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya't nang matagpuan niya ito ay kanyang tinanong, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin upang ako'y manalig sa kanya.” “Siya'y nakita mo na. Siya ang kausap mo ngayon,” wika ni Jesus. “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Jesus. Sinabi pa ni Jesus, “Naparito ako sa mundong ito upang humatol, at nang sa gayo'y makakita ang mga bulag at mabulag naman ang mga nakakakita.” Narinig ito ng ilang Pariseong naroon at siya'y kanilang tinanong, “Ibig mo bang sabihi'y mga bulag kami?” Sumagot si Jesus, “Kung kayo nga'y bulag, wala sana kayong kasalanan. Ngunit dahil sinasabi ninyong nakakakita kayo, ang kasalanan ay nananatili sa inyo.”