Hindi naniwala ang mga Judio na siya'y dating bulag at nagkaroon ng kanyang paningin, hanggang sa kanilang tinawag ang mga magulang ng lalaki na nagkaroon ng paningin,
at tinanong sila, “Ito ba ang inyong anak, na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag? Paanong nakakakita na siya ngayon?”
Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam naming ito'y aming anak, at siya'y ipinanganak na bulag.
Subalit kung paanong siya'y nakakakita ngayon, ay hindi namin alam, o kung sino ang nagbukas ng kanyang mga mata, ay hindi namin kilala. Tanungin ninyo siya, siya'y may sapat na gulang na, at siya'y magsasalita para sa kanyang sarili.”
Ang mga bagay na ito'y sinabi ng kanyang mga magulang sapagkat natatakot sila sa mga Judio. Sapagkat pinagkaisahan na ng mga Judio, na kung ang sinuman ay magpahayag na si Jesus ang Cristo ay palalayasin mula sa sinagoga.
Kaya't sinabi ng kanyang mga magulang, “Siya'y may sapat na gulang na, tanungin ninyo siya.”
Dahil dito'y tinawag nilang muli ang taong dating bulag, at sinabi sa kanya, “Luwalhatiin mo ang Diyos. Nalalaman naming makasalanan ang taong ito.”
Sumagot siya, “Kung siya'y makasalanan ay hindi ko alam. Isang bagay ang nalalaman ko, bagaman ako'y dating bulag, ngayo'y nakakakita na ako.”
Sinabi nila sa kanya, “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niya binuksan ang iyong mga mata?”
Kanyang sinagot sila, “Sinabi ko na sa inyo, at hindi kayo nakinig. Bakit ibig ninyong marinig uli? Ibig din ba ninyong maging mga alagad niya?”
At siya'y kanilang nilait at sinabi, “Ikaw ay alagad niya, subalit kami'y mga alagad ni Moises.
Alam naming nagsalita ang Diyos kay Moises, subalit tungkol sa taong ito, ay hindi namin nalalaman kung saan siya nagmula.”
Sumagot ang tao at sa kanila'y sinabi, “Ito ang nakapagtataka! Hindi ninyo alam kung saan siya nagmula, subalit binuksan niya ang aking mga mata.
Alam nating hindi pinapakinggan ng Diyos ang mga makasalanan, subalit kung ang sinuman ay sumasamba sa Diyos at gumaganap ng kanyang kalooban, ito ang kanyang pinapakinggan.
Buhat nang magsimula ang sanlibutan ay hindi narinig kailanman na binuksan ng sinuman ang mga mata ng isang taong ipinanganak na bulag.
Kung ang taong ito'y hindi galing sa Diyos, siya ay hindi makakagawa ng anuman.”
Kanilang sinagot siya, “Ipinanganak kang lubos sa kasalanan, at tuturuan mo pa kami?” At siya'y pinalayas nila.
Nabalitaan ni Jesus na siya'y pinalayas nila at nang kanyang makita siya, ay sinabi niya, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?”
Sumagot siya, “Sino ba siya, Ginoo, upang ako'y sumampalataya sa kanya?”
Sinabi sa kanya ni Jesus, “Siya'y nakita mo na, at siya ang nakikipag-usap sa iyo.”
Sinabi niya, “Panginoon, sumasampalataya ako.” At siya'y sumamba sa kanya.
Sinabi ni Jesus, “Pumarito ako sa sanlibutang ito para sa paghatol, upang ang mga hindi nakakakita ay makakita, at upang ang mga nakakakita ay maging mga bulag.”
Ang ilan sa mga Fariseo na kasama niya ay nakarinig ng mga bagay na ito, at sinabi sa kanya, “Kami ba naman ay mga bulag din?”
Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo'y mga bulag, hindi kayo magkakaroon ng kasalanan. Subalit ngayong sinasabi ninyo, ‘Kami'y nakakakita,’ nananatili ang inyong kasalanan.”