3
Nagsalita si Job
1Kinalaunan, nagsalita si Job at isinumpa niya ang araw na siyaʼy isinilang. 2Sinabi niya,
3“Isinusumpa ko ang araw
na akoʼy ipinanganak.
4Naging madilim na lang sana
ang araw na iyon
at hindi na sinikatan ng araw.
Kinalimutan na lang sana
ng Diyos sa langit ang araw na iyon.
5Nanatili na lang sana itong madilim
o natatakpan ng makapal na ulap,
at nilukuban na lang sana
ng kadiliman ang kaliwanagan.
6Kinuha na lang sana ng kadiliman
ang gabing iyon nang akoʼy isilang,
at hindi na sana napabilang
sa kalendaryo.
7Hindi na nga lang sana ako
ipinanganak ng gabing iyon,
at wala rin sanang kasiyahan noon.
8Sumpain nawa ang gabing iyon
ng mga manunumpa na nakakaalam
kung paano pakilusin ang Leviatan.#3:8 Leviatan: Maaaring dambuhalang hayop, buwaya, ahas, o balyena.
9Hindi na sana sumikat ang tala
sa umaga ng araw na iyon,
at hindi na sana dumating
ang bukang-liwayway.
10Isinusumpa ko ang araw na iyon
dahil hindi niya pinigilan
ang pagsilang sa akin,
nang hindi ko na sana naranasan
ang ganitong paghihirap.
11“Mabuti pang namatay na lang ako
sa sinapupunan ng aking ina.
12Bakit pa ako kinalingaʼt pinasuso ng aking ina?
13Kung namatay na sana ako noon,
tahimik na sana ako ngayon,
natutulog at nagpapahinga
14kasama ng mga hari
at mga pinuno ng mundo
na nagtayo ng mga palasyo#3:14 palasyo: O gusali.
na giba na ngayon.#3:14 giba na ngayon: O na muling itatayo.
15Nagpapahinga na rin sana ako
kasama ng mga pinuno
na ang mga tahanan ay puno
ng mga gintoʼt pilak.
16Mas mabuti pang akoʼy naging katulad
ng mga batang patay na
nang ipinanganak
at hindi na nakakita ng liwanag.
17Doon sa lugar ng mga patay,
ang masama ay hindi na gumagawa
ng kasamaan
at ang mga pagod
ay nagpapahinga na.
18Doon, ang mga bihag
ay nagpapahinga rin
at hindi na nila naririnig ang sigaw
ng taong pumipilit sa kanila
na magtrabaho.
19Naroon ang lahat ng uri ng tao,
tanyag man o hindi.
At ang mga alipin ay malaya na
sa kanilang amo.
20“Bakit pa pinapayagang mabuhay
ang taong nagtitiis at nagdurusa?
21Hinahangad nilang mamatay
ngunit hindi naman nangyayari.
Inaasam nila ang kamatayan
nang higit pa sa nakatagong kayamanan.
22Mas sasaya sila kapag
namatay na at nailibing.
23Bakit kaya niloob pa ng Diyos
na mabuhay ang tao
nang hindi man lamang pinapaalam
ang kanyang kahahantungan?
24Hindi ako makakain
dahil sa labis na pagdaramdam
at walang tigil ang aking pagdaing.
25Ang kinatatakutan ko
ay dumating sa akin.
Ang inaalala ko
ay nangyari sa akin.
26Wala akong kapayapaan
at katahimikan.
Wala akong kapahingahan,
pawang kabagabagan
ang aking nararanasan.”