Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Josue 24:15-28

Josue 24:15-28 ASND

Pero kung ayaw nʼyong maglingkod sa PANGINOON, mamili kayo ngayon sa araw na ito kung sino ang paglilingkuran ninyo. Maglilingkod ba kayo sa mga dios na pinaglilingkuran ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates, o sa mga dios ng mga Amoreo na ang lupain ay tinitirhan nʼyo ngayon? Pero para sa akin at sa pamilya ko maglilingkod kami sa PANGINOON.” Sumagot ang mga tao, “Wala sa isipan naming tumalikod sa PANGINOON at maglingkod sa ibang mga dios. Ang PANGINOON na ating Dios mismo ang naglabas sa atin at sa mga ninuno natin sa pagkaalipin doon sa Egipto. Nakita rin natin ang mga himalang ginawa niya. Iningatan niya tayo sa paglalakbay natin sa mga bansang dinadaanan natin. Itinaboy niya ang mga Amoreo at ang ibang mga bansa na naninirahan sa mga lupaing ito. Kaya maglilingkod din kami sa PANGINOON, dahil siya ang Dios namin.” Sinabi ni Josue sa mga tao, “Hindi kayo makapaglilingkod sa PANGINOON dahil siyaʼy banal na Dios at ayaw niya na may sinasamba kayong iba. Hindi niya babalewalain ang pagrerebelde at mga kasalanan ninyo. Kapag itinakwil nʼyo ang PANGINOON at naglingkod kayo sa ibang dios, magagalit siya sa inyo at paparusahan niya kayo. Lilipulin niya kayo kahit na noon ay naging mabuti siya sa inyo.” Pero sumagot ang mga tao kay Josue, “Maglilingkod kami sa PANGINOON.” Sinabi ni Josue, “Kayo mismo ang mga saksi sa mga sarili nʼyo na pinili ninyong paglingkuran ang PANGINOON.” Sumagot sila, “Oo, mga saksi kami.” Pagkatapos, sinabi ni Josue, “Kung ganoon, itakwil nʼyo na ang mga dios-diosan nʼyo at paglingkuran ninyo nang buong puso ang PANGINOON, ang Dios ng Israel.” Sumagot ang mga tao, “Paglilingkuran namin ang PANGINOON naming Dios, at susundin namin ang mga utos niya.” Nang araw na iyon, gumawa si Josue ng kasunduan sa mga tao roon sa Shekem, at ibinigay niya sa kanila ang mga kautusan at mga tuntunin. Sinulat ito ni Josue sa Aklat ng Kautusan ng Dios. Pagkatapos, kumuha siya ng malaking bato at itinayo sa puno ng terebinto malapit sa banal na lugar ng PANGINOON. At sinabi ni Josue sa lahat ng tao, “Ang batong ito ang saksi natin na nakipag-usap ang PANGINOON sa atin. Magpapatunay ito laban sa inyo kung tatalikuran ninyo ang Dios.” Pagkatapos, pinauwi ni Josue ang mga tao sa kanya-kanyang lugar.