Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOSUE 24:15-28

JOSUE 24:15-28 ABTAG01

Ngayon kung ayaw ninyong maglingkod sa PANGINOON, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog, o ang mga diyos ng mga Amoreo na ang lupain nila ay inyong tinitirahan; ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa PANGINOON.” At ang taong-bayan ay sumagot, “Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang PANGINOON upang maglingkod sa ibang mga diyos. Sapagkat ang PANGINOON nating Diyos ang nagdala sa atin at sa ating mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto, papalabas sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang iyon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinuntahan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan. Itinaboy ng PANGINOON sa harapan natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amoreo na naninirahan sa lupain. Dahil dito kami ay maglilingkod din sa PANGINOON sapagkat siya'y ating Diyos.” Subalit sinabi ni Josue sa bayan, “Kayo'y hindi makakapaglingkod sa PANGINOON sapagkat siya'y isang banal na Diyos; siya'y Diyos na mapanibughuin; hindi niya ipatatawad ang inyong pagsuway ni ang inyong mga kasalanan. Kapag inyong tinalikuran ang PANGINOON at naglingkod sa ibang mga diyos, siya ay hihiwalay at kayo ay sasaktan at lilipulin, pagkatapos na kanyang gawan kayo ng mabuti.” At sinabi ng bayan kay Josue, “Hindi; kundi kami ay maglilingkod sa PANGINOON.” At sinabi ni Josue sa bayan, “Kayo'y mga saksi laban sa inyong sarili na inyong pinili ang PANGINOON upang paglingkuran siya.” At sinabi nila, “Kami ay mga saksi.” Sinabi niya, “Kung gayon ay alisin ninyo ang ibang mga diyos na nasa gitna ninyo at ilapit ninyo ang inyong puso sa PANGINOON, na Diyos ng Israel.” At sinabi ng bayan kay Josue, “Ang PANGINOON nating Diyos ay aming paglilingkuran, at ang kanyang tinig ay aming susundin.” Kaya't nakipagtipan si Josue sa bayan nang araw na iyon at gumawa ng mga tuntunin at batas para sa kanila sa Shekem. Isinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng kautusan ng Diyos; at siya'y kumuha ng malaking bato, at inilagay sa lilim ng ensina na nasa tabi ng santuwaryo ng PANGINOON. Sinabi ni Josue sa buong bayan, “Tingnan ninyo, ang batong ito ay magiging saksi laban sa atin, sapagkat narinig nito ang lahat ng mga salita ng PANGINOON na kanyang sinalita sa atin; kaya't ito'y magiging saksi laban sa inyo, kapag itinakuwil ninyo ang inyong Diyos.” Sa gayo'y pinauwi ni Josue ang bayan patungo sa kanilang pamana.