Sinabi ng PANGINOON kay Josue, “Huwag kang matakot o kayaʼy manghina. Isama mo ang lahat ng iyong sundalo at lusubin ulit ninyo ang Ai, dahil ibinigay ko na sa inyo ang hari ng Ai, ang kanyang mga mamamayan, ang kanyang bayan at ang kanyang lupain. Kung ano ang ginawa ninyo sa Jerico at sa hari nito, ganoon din ang gawin ninyo sa Ai. Pero sa pagkakataong ito, maaari na ninyong kunin ang kanilang mga ari-arian at mga hayop para sa inyong sarili. Maghanda kayo at tambangan ninyo sila sa likod ng lungsod.”
Kaya umalis sila Josue at ang lahat ng sundalo niya para lusubin ang Ai. Pumili si Josue ng 30,000 sundalo na mahuhusay makipaglaban at pinaalis nang gabi. Ito ang bilin ni Josue sa kanila, “Magtago kayo sa likod ng lungsod, pero huwag masyadong malayo. Humanda kayo sa paglusob kahit anong oras. Ako at ang mga kasama ko ay lulusob sa harapan. Kung lalabas na sila sa pakikipaglaban sa amin, tatakas kami, gaya ng nangyari noon. Iisipin nilang natatakot kami kagaya noon, kaya hahabulin nila kami hanggang sa makalayo sila sa lungsod. Pagkatapos, lumabas kayo sa pinagtataguan nʼyo at sakupin ang lungsod. Ibibigay ito sa inyo ng PANGINOON na inyong Dios. Kapag nasakop nʼyo na ang lungsod, sunugin nʼyo ito ayon sa sinabi ng PANGINOON. Tiyakin nʼyong gagawin ito ayon sa iniutos.” Pinaalis sila ni Josue, at nagtago sila sa bandang kanluran ng Ai, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. At sina Josue naman ay nagpaiwan sa kampo nang gabing iyon.
Kinaumagahan, maagang tinipon ni Josue ang mga tauhan niya. Pinangunahan niya at ng mga pinuno ng Israel ang mga tao sa pagpunta nila sa Ai. Nakarating sila sa lugar na nakaharap sa lungsod, sa bandang hilaga nito, at doon sila nagtayo ng mga tolda. May lambak na nakapagitan sa kanila at sa Ai. Nagpadala si Josue ng 5,000 sundalo para tambangan ang lungsod sa bandang kanluran nito, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. Kaya pumwesto na ang mga sundalo. Ang ibang mga sundalo ay nasa bandang hilaga ng lungsod, at ang iba naman ay naroon sa bandang kanluran nito.
Nang gabing iyon pumunta sina Josue sa lambak. Nang makita ng hari ng Ai sina Josue, maaga paʼy agad-agad na siyang lumabas sa lungsod kasama ang mga tauhan niya, at pumunta sa lugar na nakaharap sa Lambak ng Jordan para makipaglaban sa Israel. Hindi nila alam na may lulusob sa kanila galing sa likod ng lungsod. Sina Josue at ang mga tauhan niya ay nagkunwaring natalo sila, at tumakas papuntang ilang. Kaya hinabol silang lahat ng kalalakihan ng Ai hanggang sa unti-unti silang lumalayo sa lungsod. Lahat ng kalalakihan sa Ai at sa Betel ay hinabol ang mga Israelita, kaya walang naiwan para ipagtanggol ang lungsod.
Sinabi ng PANGINOON kay Josue, “Ituro mo ang sibat mo sa Ai dahil ibibigay ko ito sa inyo.” Kaya itinuro ni Josue ang sibat niya sa Ai. Nang ginawa niya iyon, lumabas at nagsitakbo ang mga tauhan niyang nananambang sa bayan, lumusob sila papasok sa lungsod, at dali-daling sinunog ito. Nang lumingon ang mga taga-Ai, nakita nila ang makapal na usok sa ibabaw ng lungsod. Wala na silang matatakbuhan, dahil bigla na lang silang hinarap ng mga Israelita na hinahabol nila sa ilang. Dahil nang makita ni Josue at ng mga tauhan niya na nakapasok na sa lungsod ang mga kasama nila at sinunog na nila ito, bumalik sila at nilusob ang mga taga-Ai. Lumusob din ang mga Israelitang pumasok sa lungsod, kaya napagitnaan nila ang mga taga-Ai. Pinatay nilang lahat ang mga ito at walang nakatakas o kayaʼy naiwang buhay sa kanila, bukod lang sa hari nila. Binihag siya at dinala kay Josue.
Nang mapatay na nilang lahat ang taga-Ai na humabol sa kanila sa ilang, bumalik sila sa lungsod at pinatay din ang lahat ng naiwan doon. Nang araw na iyon, namatay ang lahat ng naninirahan sa Ai – 12,000 lahat, lalaki at babae. Nanatiling nakatutok ang sibat ni Josue sa lugar ng Ai hanggang hindi nalilipol ang lahat ng mamamayan nito. Kinuha ng mga Israelita ang mga hayop at mga ari-arian ng lungsod, ayon sa sinabi ng PANGINOON kay Josue. Pagkatapos, ipinasunog ni Josue ang buong Ai, at hindi na ito muling maitatayo; hanggang ngayon wala nang nakatira rito. Pinabitin ni Josue sa isang puno ang hari at pinabayaan doon maghapon. Paglubog ng araw, ipinakuha niya ang bangkay at ipinatapon sa labas ng pintuan ng lungsod. Pinatambakan nila ito ng malaking bunton ng mga bato, at hanggang ngayon ay makikita pa roon ang mga batong ito.