At sinabi ng Panginoon kay Josue, Huwag kang matakot, ni manglumo: ipagsama mo ang buong bayang pangdigma, at bumangon ka, na sumampa ka sa Hai: tingnan mo, aking ibinigay sa iyong kamay ang hari sa Hai, at ang kaniyang bayan, at ang kaniyang siyudad, at ang kaniyang lupain;
At iyong gagawin sa Hai at sa kaniyang hari ang gaya ng iyong ginawa sa Jerico at sa kaniyang hari: ang samsam lamang doon, at ang mga hayop niyaon, ang iyong kukunin na pinakasamsam ninyo: lagyan mo ng mga bakay ang bayan sa likuran.
Sa gayo'y bumangon si Josue, at ang buong bayang pangdigma, upang sumampa sa Hai: at pumili si Josue ng tatlong pung libong lalake, na mga makapangyarihang lalaking matapang, at sinugo ng kinagabihan.
At iniutos niya sa kanila, na sinasabi, Narito, kayo'y babakay laban sa bayan, sa likuran ng bayan: huwag kayong lumayong totoo sa bayan kundi humanda kayo;
At ako, at ang buong bayan na kasama ko ay lalapit sa bayan. At mangyayari, na pagka sila'y lumabas laban sa amin gaya ng una, ay tatakas kami sa harap nila;
At sila'y lalabas na susunod sa amin, hanggang sa aming mailayo sila sa bayan, sapagka't kanilang sasabihin, Sila'y tumatakas sa harap natin, na gaya ng una; gayon kami tatakas sa harap nila:
At kayo'y babangon sa pagbakay, at inyong aariin ang bayan: sapagka't ibibigay ng Panginoon ninyong Dios sa inyong kamay.
At mangyayari, na pagka inyong nasakop ang bayan, ay inyong sisilaban ng apoy ang bayan; ayon sa salita ng Panginoon ay inyong gagawin: narito, aking iniutos sa inyo.
At pinapagpaalam sila ni Josue: at sila'y yumaon sa pagbakay, at lumagay sa pagitan ng Beth-el at ng Hai, sa dakong kalunuran ng Hai: nguni't si Josue ay tumigil ng gabing yaon sa gitna ng bayan.
At si Josue ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at binilang ang bayan, at sumampa siya at ang mga matanda ng Israel, sa unahan ng bayan, sa Hai.
At ang buong bayan, sa makatuwid baga'y ang mga taong pangdigma na kinasama niya, ay sumampa, at lumapit, at naparoon sa harap ng bayan, at humantong sa dakong hilagaan ng Hai: mayroon ngang isang libis sa pagitan niya at ng Hai.
At siya'y kumuha ng may limang libong lalake at inilagay niya silang bakay sa pagitan ng Beth-el at ng Hai sa dakong kalunuran ng bayan.
Gayon inilagay nila ang bayan, ang buong hukbo na nasa hilagaan ng bayan, at ang kanilang mga bakay na nasa kalunuran ng bayan; at si Josue ay naparoon ng gabing yaon sa gitna ng libis.
At nangyari, nang makita ng hari sa Hai, na sila'y nagmadali at bumangong maaga, at ang mga lalake sa bayan ay lumabas laban sa Israel upang makipagbaka, siya at ang kaniyang buong bayan, sa kapanahunang takda, sa harap ng Araba, nguni't hindi niya talastas na may bakay laban sa kaniya sa likuran ng bayan.
At ginawa ni Josue at ng buong Israel na parang sila'y nadaig sa harap nila, at tumakas sa daan na ilang.
At ang lahat ng mga tao na nasa bayan ay pinisan upang humabol sa kanila: at kanilang hinabol si Josue, at nangalayo sa bayan.
At walang lalake na naiwan sa Hai o sa Beth-el, na hindi humabol sa Israel: at kanilang iniwang bukas ang bayan, at hinabol ang Israel.
At sinabi ng Panginoon kay Josue, Iunat mo ang sibat na nasa iyong kamay sa dakong Hai; sapagka't aking ibibigay sa iyong kamay. At iniunat ni Josue ang sibat na nasa kaniyang kamay sa dakong bayan.
At ang bakay ay bumangong bigla sa kanilang dako, at sila'y tumakbo pagkaunat niya ng kaniyang kamay, at pumasok sa bayan at sinakop at sila'y nagmadali at sinilaban ang bayan.
At nang lumingon ang mga lalake sa Hai sa likuran nila, ay kanilang nakita, at, narito, ang usok ng bayan ay napaiilanglang sa langit, at wala silang kapangyarihan na makatakas sa daang ito o sa daang yaon: at ang bayan na tumakas sa ilang ay pumihit sa mga manghahabol.
At nang makita ni Josue at ng buong Israel na nasakop ng bakay ang bayan at ang usok ng bayan ay napaiilanglang, ay nagsibalik nga uli sila at pinatay ang mga lalake sa Hai.
At ang iba'y lumabas sa bayan laban sa kanila, na anopa't sila'y nasa gitna ng Israel, na ang iba'y sa dakong ito, at ang iba'y sa dakong yaon: at sinaktan nila sila, na anopa't wala silang iniwan sa kanila na nalabi o nakatanan.
At ang hari sa Hai ay hinuli nilang buháy, at dinala nila siya kay Josue.
At nangyari, nang matapos ng Israel na mapatay sa parang ang lahat ng mga taga Hai, sa ilang na kanilang pinaghabulan sa kanila, at mangabuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak, hanggang sa nalipol nila sila, ay bumalik ang buong Israel sa Hai, at sinugatan ng talim ng tabak.
At ang lahat na nabuwal ng araw na yaon, lalake at gayon din ang babae ay labing dalawang libo, lahat ng mga tao sa Hai.
Sapagka't hindi iniurong ni Josue ang kaniyang kamay na kaniyang ipinag-unat ng sibat hanggang sa kaniyang nalipol na lubos ang lahat ng mga taga Hai.
Ang hayop lamang at ang samsam sa bayan na yaon ang kinuha ng Israel na pinakasamsam, ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang iniutos kay Josue.
Gayon sinunog ni Josue ang Hai, at pinapaging isang bunton magpakailan man na isang kagibaan, hanggang sa araw na ito.
At ibinitin niya ang hari sa Hai sa isang punong kahoy hanggang sa kinahapunan: at sa paglubog ng araw ay iniutos ni Josue, at ibinaba nila ang kaniyang bangkay sa punong kahoy at inihagis sa pasukan ng pintuan ng bayan, at binuntunan ng malaking bunton ng mga bato, hanggang sa araw na ito.