Pagkatapos ipangaral ni Jesus sa mga tao ang mga bagay na ito, pumunta siya sa Capernaum. May isang kapitan doon ng hukbong Romano na may aliping malubha ang sakit at naghihingalo. Mahal niya ang aliping ito. Kaya nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, sinugo niya ang ilang mga pinuno ng mga Judio para pakiusapan si Jesus na pumunta sa bahay niya at pagalingin ang kanyang alipin. Pagdating nila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya, “Kung maaari po sanaʼy tulungan nʼyo ang kapitan, dahil mabuti siyang tao. Mahal niya tayong mga Judio at ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sambahan.”
Kaya sumama sa kanila si Jesus. Nang malapit na sila sa bahay ng kapitan, sinugo ng kapitan ang ilang mga kaibigan niya para salubungin si Jesus at sabihin, “Panginoon, huwag na po kayong mag-abalang pumunta sa bahay ko, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan nʼyo ang tahanan ko. Kaya nga hindi na rin ako naglakas-loob na lumapit dahil hindi ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Sabihin nʼyo na lang po at gagaling na ang utusan ko. Alam ko ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may nasasakupan din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi kong, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kahit ano pa ang iutos ko sa aking alipin ay sinusunod niya.” Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya sa kapitan at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Hindi pa ako nakakita ng isang tao sa Israel na may ganitong pananampalataya.” Nang bumalik sa bahay ang mga sinugo ng kapitan, nakita nilang magaling na ang alipin.
Pagkatapos, pumunta si Jesus sa bayan ng Nain. Sumama sa kanya ang mga tagasunod niya at ang maraming tao. Nang malapit na sila sa pintuan ng bayan ng Nain, nakasalubong nila ang libing ng kaisa-isang anak ng isang biyuda. Marami ang nakikipaglibing. Nahabag ang Panginoon sa biyuda nang makita niya ito. Sinabi niya sa biyuda, “Huwag kang umiyak.” Nilapitan ni Jesus at hinawakan ang kinalalagyan ng patay upang tumigil ang mga nagdadala nito. Sinabi ni Jesus, “Binata, bumangon ka!” Umupo ang patay at nagsalita. At ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina. Kinilabutan ang mga tao at nagpuri sila sa Dios. Sinabi nila, “Inalala tayo ng Dios. Isinugo niya sa atin ang isang dakilang propeta.” At kumalat sa buong Judea at sa lahat ng lugar sa palibot nito ang balita tungkol kay Jesus.
Ang lahat ng pangyayaring iyon ay ibinalita kay Juan ng mga tagasunod niya. Kaya tinawag ni Juan ang dalawa sa mga tagasunod niya at pinapunta sa Panginoon upang tanungin, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” Pagdating nila kay Jesus, sinabi nila, “Pinapunta po kami rito ni Juan na tagapagbautismo upang itanong sa inyo kung kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” Nang mga sandaling iyon, maraming pinagaling si Jesus na mga may sakit, at pinalayas niya ang masasamang espiritu sa mga tao. Pinagaling din niya ang mga bulag. Kaya sinabi niya sa mga tagasunod ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang nakita at narinig ninyo: Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga lumpo, gumagaling ang mga may malubhang sakit sa balat, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Mapalad ang taong hindi nagdududa sa akin.”
Nang makaalis na ang mga taong inutusan ni Juan, nagtanong si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang taong tulad ng talahib na humahapay sa ihip ng hangin? Pumunta ba kayo roon upang makita ang isang taong magara ang pananamit? Ang mga taong magara ang pananamit at namumuhay sa karangyaan ay sa palasyo ninyo makikita. Pumunta kayo roon para makita ang isang propeta, hindi ba? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta. Siya ang binabanggit ng Dios sa Kasulatan, ‘Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.’ Sinasabi ko sa inyo, walang taong isinilang na mas dakila pa kay Juan. Ngunit mas dakila pa sa kanya ang pinakahamak sa mga taong kabilang sa kaharian ng Dios.”
Nang marinig ng mga tao, pati ng mga maniningil ng buwis, ang pangangaral ni Jesus, sumang-ayon sila na matuwid ang layunin ng Dios, dahil nagpabautismo pa nga sila kay Juan. Pero ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Dios para sa buhay nila, dahil hindi sila nagpabautismo kay Juan.
Sinabi pa ni Jesus, “Sa anong bagay ko maihahambing ang mga tao ngayon? Kanino ko sila maihahalintulad? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sinasabi sa kanilang kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal, pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay pero hindi kayo umiyak!’ Katulad nila kayo, dahil pagdating dito ni Juan na nakita ninyong nag-aayuno at hindi umiinom ng alak, sinabi ninyo, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’ At nang dumating naman ako na Anak ng Tao, nakita ninyong kumakain ako at umiinom, ang sabi naman ninyo, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon sa ipinapagawa ng Dios sa amin.”