Nang matapos na ni Jesus ang kanyang mga salita sa pandinig ng mga tao, pumasok siya sa Capernaum.
May isang senturion doon na may aliping minamahal niya na maysakit at malapit nang mamatay.
Nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, isinugo niya sa kanya ang matatanda sa mga Judio, na nakikiusap sa kanya na pumunta at pagalingin ang kanyang alipin.
Nang dumating sila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya na sinasabi, “Siya ay karapat-dapat na gawan mo nito,
sapagkat mahal niya ang ating bansa at nagtayo siya ng sinagoga para sa atin.”
At si Jesus ay sumama sa kanila. Nang siya'y nasa di-kalayuan sa bahay, nagsugo ang senturion ng mga kaibigan sa kanya na nagsasabi sa kanya, “Panginoon, huwag ka nang mag-abala pa, sapagkat hindi ako karapat-dapat na ikaw ay papasukin sa ilalim ng aking bubungan;
kaya, hindi ko itinuring ang aking sarili na karapat-dapat na lumapit sa iyo. Ngunit sabihin mo ang salita at hayaang gumaling ang aking alipin.
Sapagkat ako man ay taong inilagay sa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal na nasasakupan ko. At sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka’ at siya'y humahayo; at sa isa naman, ‘Halika,’ at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ito'y kanyang ginagawa.”
Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito ay namangha siya sa kanya. Lumingon siya at sinabi sa maraming tao na sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, maging sa Israel ay hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.”
At nang ang mga sugo ay bumalik na sa bahay, nadatnan nilang magaling na ang alipin.
Kinabukasan siya ay tumuloy sa isang bayan na tinatawag na Nain, kasama ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao.
At nang siya'y papalapit na sa pintuan ng bayan, inilalabas ang isang taong namatay. Siya'y nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina na isang balo. Kasama niya ang napakaraming tao mula sa bayan.
Nang makita siya ng Panginoon, siya'y nahabag sa balo at sinabi rito, “Huwag kang umiyak.”
Siya'y lumapit at hinipo ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil. At sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, ‘Bumangon ka.’”
Umupo ang patay at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina.
Sinakmal ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na sinasabi, “Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang sambayanan.”
Ang balitang ito tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng nakapaligid na lupain.
Ibinalita sa kanya ng mga alagad ni Juan ang lahat ng mga bagay na ito.
Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon na nagsasabi, “Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?”
At pagdating ng mga lalaki kay Jesus ay kanilang sinabi, “Sinugo kami sa iyo ni Juan na Tagapagbautismo na nagsasabi, ‘Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?’”
Nang oras na iyon ay pinagaling ni Jesus ang marami sa mga sakit, salot at masasamang espiritu, at ang maraming bulag ay binigyan niya ng paningin.
At sumagot siya sa kanila, “Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong nakikita at naririnig: ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, ang mga patay ay muling binubuhay, sa mga dukha ay ipinangangaral ang magandang balita.
At mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin.”
Nang makaalis na ang mga sugo ni Juan ay nagpasimula siyang magsalita sa maraming tao tungkol kay Juan. “Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin?
Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga damit na malambot? Masdan ninyo, ang nagdadamit ng magagara at namumuhay ng marangya ay nasa mga palasyo ng mga hari.
Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta.
Ito yaong tungkol sa kanya ay nasusulat,
‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan
na maghahanda ng iyong daan sa iyong harapan.’
Sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang higit na dakila kay Juan, subalit ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos ay higit na dakila kaysa kanya.”
(Nang marinig ito ng buong bayan at ng mga maniningil ng buwis ay kanilang kinilala ang katuwiran ng Diyos, sapagkat sila ay nagpabautismo sa bautismo ni Juan.
Subalit tinanggihan ng mga Fariseo at ng mga dalubhasa sa Kautusan ang layunin ng Diyos para sa kanila sa hindi nila pagpapabautismo sa kanya.)
“Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ng lahing ito at ano ang kanilang katulad?
Tulad sila sa mga batang nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa isa't isa, na sinasabi,
‘Tinutugtugan namin kayo ng plauta at hindi kayo sumayaw;
tumangis kami at hindi kayo umiyak.’
Sapagkat dumating si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, ‘Siya'y may demonyo.’
Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom at inyong sinasabi, ‘Tingnan ninyo, ang isang taong matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’
Kaya't ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng lahat ng kanyang mga anak.”