Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 24:15-35

Mateo 24:15-35 ASND

“Nagsalita si Propeta Daniel tungkol sa kasuklam-suklam na darating na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo. (Kayong mga bumabasa, unawain ninyo itong mabuti!) Kapag nakita na ninyong nasa loob na ito ng templo, ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan. Ang nasa labas ng bahay ay huwag nang pumasok para kumuha ng anumang gamit. Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi para kumuha ng damit. Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. Idalangin ninyo na ang pagtakas nʼyo ay hindi mataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. Sapagkat sa mga panahong iyon, makakaranas ang mga tao ng napakatinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, at wala nang mangyayari pang ganoon kahit kailan. Kung hindi paiikliin ng Dios ang panahong iyon, walang matitirang buhay. Ngunit alang-alang sa kanyang mga pinili, paiikliin niya ang panahong iyon. “Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat lilitaw ang mga di tunay na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kagila-gilalas na himala at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Dios. Tandaan ninyo ang mga ito! Binibigyan ko na kayo ng babala habang hindi pa nangyayari ang mga ito. “Kaya kung may magsabi sa inyo, ‘Naroon ang Cristo sa ilang!’ huwag kayong pupunta roon. At kung may magsabing, ‘Nariyan siya sa silid!’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag mula sa silangan hanggang sa kanluran na makikita ng lahat. May kasabihan na, ‘Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.’ ” “Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan, magdidilim ang araw, hindi na magliliwanag ang buwan, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit. Ang mga bagay sa kalawakan ay mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas. Pagkatapos, makikita sa langit ang tanda ng aking pagbabalik, at maghihinagpis ang lahat ng tao sa mundo dahil dito. At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating na mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian. Sa malakas na tunog ng trumpeta ay ipapadala ko ang aking mga anghel sa lahat ng lugar sa mundo upang tipunin ang aking mga pinili.” “Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init. Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang lahat ng sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong dumating. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”