Kaya nga pagkakita ninyo ng kasuklamsuklam na paninira, na sinalita sa pamamagitan ng propeta Daniel, na natatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa),
Kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea:
Ang nasa bubungan ay huwag bumaba upang maglabas ng mga bagay sa loob ng kaniyang bahay:
At ang nasa bukid ay huwag magbalik upang kumuha ng kaniyang balabal.
Datapuwa't sa aba ng nangagdadalang-tao at nangagpapasuso sa mga araw na yaon!
At magsipanalangin kayo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa panahong taginaw, o sa sabbath man:
Sapagka't kung magkagayo'y magkakaroon ng malaking kapighatian, na ang gayo'y di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanglibutan hanggang ngayon, at ni hindi na mangyayari kailan man.
At malibang paikliin ang mga araw na yaon, ay walang lamang makaliligtas: datapuwa't dahil sa mga hirang ay paiikliin ang mga araw na yaon.
Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan.
Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang.
Narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo.
Kaya nga kung sa inyo'y kanilang sasabihin, Narito, siya'y nasa ilang; huwag kayong magsilabas: Narito, siya'y nasa mga silid; huwag ninyong paniwalaan.
Sapagka't gaya ng kidlat na kumikidlat sa silanganan, at nakikita hanggang sa kalunuran; gayon din naman ang pagparito ng Anak ng tao.
Saan man naroon ang bangkay, ay doon mangagkakatipon ang mga uwak.
Datapuwa't karakarakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit:
At kung magkagayo'y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo'y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
At susuguin ang kaniyang mga anghel na may matinding pakakak, at kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin ng sanglibutan, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.
Sa puno ng igos nga ay pagaralan ninyo ang kaniyang talinghaga: pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tagaraw;
Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.
Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.
Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.