Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 27:50-66

Mateo 27:50-66 ASND

Muling sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga. Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. Lumindol sa buong lupain at nagkabitak-bitak ang mga bato. Nabuksan ang mga libingan at maraming banal ang muling nabuhay. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, pumunta sila sa Jerusalem at marami ang nakakita sa kanila. Ang kapitan at ang kanyang mga sundalo na nagbabantay kay Jesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!” Sa di-kalayuan ay maraming babae na nanonood sa mga pangyayari. Noong umalis si Jesus sa Galilea, sumunod ang mga babaeng ito sa kanya at tinulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang asawa ni Zebedee. Nang magtakip-silim, isang mayamang lalaki na taga-Arimatea ang dumating. Siya ay si Jose na isa ring tagasunod ni Jesus. Pumunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. Kaya kinuha ni Jose ang bangkay at binalot ng malinis na telang linen. Inilagay niya ito sa bagong libingang hinukay sa gilid ng burol, na ipinagawa niya para sana sa sarili. Pagkatapos, pinagulong niya ang isang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan, at saka siya umalis. Si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria ay naroong nakaupo sa harap ng libingan. Kinabukasan, Araw ng Pamamahinga, pumunta ang mga namamahalang pari at ang mga Pariseo kay Pilato. Sinabi nila, “Natatandaan po namin na noong buhay pa ang mapagpanggap na iyon, sinabi niya na mabubuhay daw siyang muli pagkatapos ng tatlong araw. Kaya mabuti sigurong pabantayan po ninyo ang kanyang libingan sa mga susunod na araw, dahil baka nakawin ng mga tagasunod niya ang kanyang bangkay at ipamalitang nabuhay siya. Kapag nangyari ito, mas magiging masahol pa ang pandarayang ito kaysa sa noong una.” Sumagot si Pilato sa kanila, “May mga guwardya kayo. Kayo na ang magpabantay ayon sa nalalaman ninyo.” Kaya pumunta sila sa libingan, at tinatakan nila ang bato na nakatakip sa libingan upang malaman nila kung may nagbukas, at nag-iwan sila roon ng ilang mga bantay.