Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 27:50-66

MATEO 27:50-66 ABTAG01

At muling sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig at nalagot ang kanyang hininga. At nang sandaling iyon, ang tabing ng templo ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba; nayanig ang lupa; at nabiyak ang mga bato. Nabuksan ang mga libingan at maraming katawan ng mga banal na natulog ay bumangon, at paglabas nila sa mga libingan pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay ay pumasok sila sa banal na lunsod at nagpakita sa marami. Nang makita ng senturion at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tunay na ito ang Anak ng Diyos.” At marami ding babae roon na nakatanaw mula sa malayo na sumunod kay Jesus buhat sa Galilea, na naglingkod sa kanya. Kasama sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo. Kinagabihan, dumating ang isang mayamang mula sa Arimatea, na ang pangalan ay Jose, na naging alagad din ni Jesus. Pumunta ang taong ito kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na ibigay iyon. Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot niya iyon ng isang malinis na telang lino, at inilagay sa kanyang sariling bagong libingan, na kanyang inukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan, at siya'y umalis. Si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay naroon at nakaupo sa tapat ng libingan. Kinabukasan, pagkatapos ng araw ng Paghahanda, ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpulong sa harapan ni Pilato, na nagsasabi, “Ginoo, natatandaan namin na sinabi ng mandarayang iyon nang nabubuhay pa siya, ‘Pagkaraan ng tatlong araw ay babangon akong muli.’ Kaya't ipag-utos mo na bantayan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka pumaroon ang kanyang mga alagad at siya'y nakawin, at sabihin sa mga tao, ‘Siya'y bumangon mula sa mga patay,’ at magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una.” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Mayroon kayong bantay, humayo kayo, bantayan ninyo sa paraang alam ninyo.” Kaya't sila'y pumaroon, at iningatan nila ang libingan, tinatakan ang bato, na kasama nila ang bantay.