Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Kawikaan 2:1-22

Kawikaan 2:1-22 ASND

Anak, tanggapin at ingatan mo sa iyong puso ang mga itinuturo at iniuutos ko sa iyo. Pakinggan mo kung ano ang makapagbibigay sa iyo ng karunungan at kaalaman. Pagsikapan mong magkaroon ng pang-unawa, na parang naghahanap ka ng pilak o anumang nakatagong kayamanan. Kung gagawin mo ito, malalaman mo kung ano ang pagkatakot sa PANGINOON at mauunawaan mo ang tungkol sa kanya. Sapagkat ang PANGINOON ang nagbibigay ng karunungan, kaalaman, at ng pang-unawa. Iniingatan niya ang namumuhay nang matuwid, matapat, at walang kapintasan. Binibigyan din niya sila ng katagumpayan. Kung makikinig ka sa akin, malalaman mo ang dapat mong gawin, ang tama, matuwid at nararapat. Sapagkat lalong lalawak ang iyong karunungan at magbibigay ito sa iyo ng kaligayahan. Kapag nakakaunawa ka at marunong magpasya nang tama, iingatan ka nito. Ilalayo ka ng karunungan sa masamang pag-uugali at sa mga taong nagsasalita ng masama. Pinili ng mga taong ito na iwanan ang magandang pag-uugali at sumunod sa pamamaraan ng mga nasa kadiliman. Natutuwa sila sa paggawa ng masama at nasisiyahan sa mga kalikuan nito. Masama ang pag-uugali nila at hindi matuwid ang kanilang pamumuhay. Ilalayo ka ng karunungan sa masamang babaeng gustong umakit sa iyo sa pamamagitan ng kanyang matatamis na salita. Iniwan ng ganyang babae ang napangasawa niya noong kanyang kabataan. Kinalimutan niya ang pangako niya sa Dios nang silaʼy ikasal. Kapag pumunta ka sa bahay niya, para ka na ring pumunta sa kamatayan. Sapagkat ito ang daan tungo sa daigdig ng mga patay. Kung sino man ang pupunta sa kanya ay hindi na makakauwi; makakalimutan na niya ang daan patungo sa lugar ng mga buhay. Kaya tularan mo ang pamumuhay ng mabubuting tao at mamuhay ka ng matuwid. Sapagkat ang taong namumuhay nang matuwid at walang kapintasan ay mabubuhay nang matagal dito sa daigdig. Ngunit ang masasama at mga mandaraya ay palalayasin. Bubunutin sila na parang mga damo.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Kawikaan 2:1-22