Anak ko, kung ang mga salita ko'y iyong tatanggapin,
at mga utos ko sa iyo ay iyong pagyayamanin,
ikiling mo sa karunungan ang iyong pandinig,
at sa pang-unawa ang puso mo'y ihilig.
Kung ikaw ay sumigaw upang makaalam,
at itinaas ang iyong tinig upang makaunawa,
kung kagaya ng pilak, ito'y iyong hahanapin,
at tulad ng nakatagong kayamanan, ito'y sasaliksikin,
kung magkagayo'y ang takot sa PANGINOON ay iyong mauunawaan,
at ang kaalaman sa Diyos ay iyong matatagpuan.
Sapagkat ang PANGINOON ay nagbibigay ng karunungan,
sa kanyang bibig nagmumula ang kaalaman at kaunawaan.
Pinaglalaanan niya ang matuwid ng magaling na karunungan,
siya'y kalasag sa mga lumalakad na may katapatan,
upang mabantayan niya ang mga landas ng katarungan,
at maingatan ang daan ng kanyang mga banal.
Kung magkagayo'y mauunawaan mo ang katuwiran,
ang katarungan at ang katapatan, bawat mabuting daan.
Sapagkat papasok sa iyong puso ang karunungan,
at magiging kaaya-aya sa iyong kaluluwa ang kaalaman.
Ang mabuting pagpapasiya ang magbabantay sa iyo,
ang pagkaunawa ang mag-iingat sa iyo.
Ililigtas ka nito sa daan ng kasamaan,
mula sa mga taong nagsasalita ng masasamang bagay;
na nagpapabaya sa mga landas ng katuwiran,
upang lumakad sa mga daan ng kadiliman;
na nagagalak sa paggawa ng kasamaan,
at sa mga kalikuan ng kasamaan ay nasisiyahan;
na mga lihis sa kanilang mga lakad,
at mga suwail sa kanilang mga landas.
Sa masamang babae ikaw ay maliligtas,
mula sa mapakiapid at sa mga salita niyang binibigkas,
na nagpapabaya sa kasamahan ng kanyang kabataan,
at ang tipan ng kanyang Diyos ay kanyang kinalilimutan;
sapagkat ang kanyang bahay ay lumulubog sa kamatayan,
at ang kanyang mga landas tungo sa mga kadiliman;
walang naparoroon sa kanya na nakakabalik muli,
ni ang mga landas ng buhay ay kanilang nababawi.
Kaya't ang lakad ng mabubuting tao ang iyong lakaran,
at ang mga landas ng matuwid ang iyong pakaingatan.
Sapagkat ang matuwid sa lupain ay mamamalagi,
at ang walang sala doon ay mananatili.
Ngunit ang masama ay tatanggalin sa lupain,
at ang mga taksil doon ay bubunutin.