Binuksan ko ang pinto para sa aking mahal, pero wala na siya. Hinanap ko siya, pero hindi ko siya makita. Tinawag ko siya, pero walang sumagot. Nakita ako ng mga guwardya na naglilibot sa lungsod. Pinalo nila ako, at akoʼy nasugatan. Kinuha pa nila ang aking damit. Kayong mga babae ng Jerusalem, mangako kayo sa akin! Kapag nakita ninyo ang aking mahal, sabihin ninyo sa kanyang nanghihina ako dahil sa pag-ibig. O babaeng pinakamaganda, ano bang mayroon sa iyong minamahal na wala sa iba, at kami ay iyong pinasusumpa pa? Siya baʼy talagang nakakahigit sa iba? Ang aking mahal ay makisig at mamula-mula ang kutis. Nag-iisa lamang siya sa sampung libong lalaki. Mas mahal pa sa ginto ang kanyang ulo. Buhok niyaʼy medyo kulot at kasing-itim ng uwak. Mga mata niyaʼy napakagandang pagmasdan, tulad ng mamahaling hiyas at tulad ng mata ng mga kalapati, na kasingputi ng gatas, sa tabi ng batis. Mga pisngi niyaʼy kasimbango ng harding puno ng halamang ginagawang pabango. At ang mga labi niyaʼy parang mga liryo na dinadaluyan ng mira. Mga bisig niyaʼy tila mahahabang bareta ng ginto na napapalamutian ng mamahaling bato. Katawaʼy tila pangil ng elepante, makinang at napapalamutian ng mga batong safiro. Mga paa niyaʼy tulad ng mga haliging marmol na nakatayo sa pundasyong ginto. Napakaganda niyang pagmasdan, tulad ng mga puno ng sedro sa Lebanon. Kay tamis halikan ang kanyang bibig. Tunay ngang siyaʼy kaakit-akit. O mga babae ng Jerusalem, siya ang aking mahal, ang aking iniibig.
Basahin Awit 5
Makinig sa Awit 5
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng Bersyon: Awit 5:6-16
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas