Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ANG AWIT NG MGA AWIT 5:6-16

ANG AWIT NG MGA AWIT 5:6-16 ABTAG01

Pinagbuksan ko ang aking sinta, ngunit ang aking sinta ay tumalikod at umalis na. Pinanghina na ako ng aking kaluluwa nang siya'y magsalita. Aking hinanap siya, ngunit hindi ko siya natagpuan; tinawag ko siya, ngunit hindi siya sumagot. Natagpuan ako ng mga tanod, habang sila'y naglilibot sa lunsod, binugbog nila ako, ako'y kanilang sinugatan, inagaw nila ang aking balabal, ng mga bantay na iyon sa pader. Pinagbibilinan ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem, kung inyong matagpuan ang aking sinta, inyong saysayin sa kanya, na ako'y may sakit na pagsinta. Ano ang iyong mahal na higit kaysa ibang mahal, O ikaw na pinakamaganda sa mga babae? Ano ang iyong mahal na higit kaysa ibang mahal, na gayon ang iyong bilin sa amin? Ang aking minamahal ay maningning at mamula-mula, na namumukod-tangi sa sampung libo. Ang kanyang ulo ay pinakamainam na ginto; ang bungkos ng kanyang buhok ay maalon-alon at kasing-itim ng uwak. Ang kanyang mga mata ay tulad ng mga kalapati sa tabi ng mga bukal ng tubig; na hinugasan ng gatas at tamang-tama ang pagkalagay. Ang kanyang mga pisngi ay gaya ng pitak ng mga pabango, na nagsasabog ng halimuyak. Ang kanyang mga labi ay mga liryo, na nagbibigay ng lusaw na mira. Ang kanyang mga kamay ay mga singsing na ginto, na nilagyan ng mga hiyas. Ang kanyang katawan ay gaya ng yaring garing na binalot ng mga zafiro. Ang kanyang hita ay mga haliging alabastro, na inilagay sa mga patungang ginto. Ang kanyang anyo ay gaya ng Lebanon na marilag na gaya ng mga sedro. Ang kanyang pananalita ay pinakamatamis; at siya'y totoong kanais-nais. Ito'y aking sinta at ito'y aking kaibigan, O mga anak na babae ng Jerusalem.