Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 13:44-58

Mateo 13:44-58 MBB05

“Ang kaharian ng langit ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao ngunit agad itong tinabunan. Tuwang-tuwa siyang umalis at ibinenta ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang bukid na iyon.” “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang negosyante na naghahanap ng mga mamahaling perlas. Nang makakita siya ng isang perlas na napakahalaga, umuwi siya't ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.” “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan. Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, at ihahagis ang masasama sa naglalagablab na apoy. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” “Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Jesus. “Opo,” sagot nila. At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na kumikilala sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang taguan ng kayamanan.” Umalis si Jesus mula roon matapos niyang isalaysay ang mga talinhagang ito. Umuwi siya sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya, kaya't kanilang itinanong, “Saan kumuha ng ganyang karunungan ang taong iyan? Paano siya nakakagawa ng mga himala? Hindi ba siya ay anak ng isang karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid? At tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, di ba? Saan kaya niya natutuhan ang lahat ng iyan?” At siya'y hindi nila pinaniwalaan. Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” At dahil ayaw nilang maniwala kay Jesus, hindi siya roon gumawa ng maraming himala.