Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 13:44-58

MATEO 13:44-58 ABTAG

Tulad ang kaharian ng langit sa natatagong kayamanan sa bukid; na nasumpungan ng isang tao, at inilihim; at sa kaniyang kagalaka'y yumaon at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili ang bukid na yaon. Gayon din naman, ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong nangangalakal na humahanap ng magagandang perlas: At pagkasumpong ng isang mahalagang perlas, ay yumaon siya at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili yaon. Tulad din naman ang kaharian ng langit sa isang lambat, na inihulog sa dagat, na nakahuli ng sarisaring isda: Na, nang mapuno, ay hinila nila sa pampang; at sila'y nagsiupo, at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, datapuwa't itinapon ang masasama. Gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan: lalabas ang mga anghel, at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid, At sila'y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin. Napagunawa baga ninyo ang lahat ng mga bagay na ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo. At sinabi niya sa kanila, Kaya't ang bawa't eskriba na ginagawang alagad sa kaharian ng langit ay tulad sa isang taong puno ng sangbahayan, na naglalabas sa kaniyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma. At nangyari, na nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito, ay umalis siya doon. At pagdating sa kaniyang sariling lupain, ay kaniyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, ano pa't sila'y nangagtaka, at nangagsabi, Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan, at ng ganitong mga makapangyarihang gawa? Hindi baga ito ang anak ng anluwagi? hindi baga tinatawag na Maria ang kaniyang ina? at Santiago, at Jose, at Simon, at Judas ang kaniyang mga kapatid? At ang kaniyang mga kapatid na babae, hindi baga silang lahat ay nanga sa atin? Saan nga kumuha ang taong ito ng lahat ng ganitong mga bagay? At siya'y kinatisuran nila. Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Walang propeta na di may kapurihan, liban sa kaniyang sariling lupain, at sa kaniyang sariling bahay. At siya'y hindi gumawa roon ng maraming makapangyarihang gawa dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.