“Ang kaharian ng langit ay tulad sa nakatagong kayamanan sa isang bukid; na natagpuan ng isang tao, at tinabunan niya ito. Sa kanyang kagalakan ay umalis siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang bukid na iyon. “Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas; at nang makatagpo ng isang mamahaling perlas ay umalis at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon. “Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad sa isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng iba't ibang uri ng isda. Nang ito ay mapuno, hinila nila ito sa pampang. Umupo sila at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang masasama. Gayon ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan. Lalabas ang mga anghel at kanilang ihihiwalay ang masasama sa matutuwid, at itatapon sila sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. “Naunawaan ba ninyo ang lahat ng mga bagay na ito?” Sinabi nila sa kanya, “Oo.” At sinabi niya sa kanila, “Kaya't ang bawat eskriba na sinanay para sa kaharian ng langit ay tulad sa isang puno ng sambahayan na naglalabas mula sa kanyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.” Nang matapos na ni Jesus ang mga talinghagang ito, iniwan niya ang pook na iyon. Dumating siya sa sarili niyang bayan at kanyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, anupa't sila'y namangha, at nagsabi, “Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan at ng ganitong mga gawang makapangyarihan?” Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang kanyang ina ay tinatawag na Maria? At ang kanyang mga kapatid ay sina Santiago, Jose, Simon, at Judas? Hindi ba't kasama natin ang lahat ng kanyang mga kapatid na babae? Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?” At natisod sila sa kanya. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang isang propeta ay di nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan at sambahayan.” At hindi siya gumawa roon ng maraming gawang makapangyarihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.
Basahin MATEO 13
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: MATEO 13:44-58
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas