Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 27:50-66

Mateo 27:50-66 MBB05

Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga. Biglang nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lunsod, at doo'y marami ang nakakita sa kanila. Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, “Tunay na siya'y Anak ng Diyos!” Naroon din ang maraming mga babaing nakatanaw mula sa malayo. Mula pa sa Galilea, sila'y sumunod na naglilingkod kay Jesus. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo. Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, ang isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Jesus. Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya't iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. Inilagay niya ito sa kanyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. Kasama sa paglilibing sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria; nakaupo sila sa tapat ng libingan. Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong pari at ang mga Pariseo. Sinabi nila, “Naalala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong siya'y nabubuhay pa, na siya'y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. Kaya pabantayan po sana ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumunta doon ang kanyang mga alagad at kunin ang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang siya'y muling nabuhay. Ang pandarayang ito ay magiging masahol pa kaysa una.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.” Kaya pumaroon nga sila at nilagyan ng tatak ang batong panakip sa libingan, at pinabantayan ito sa mga kawal.