Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Joel 2:4-14

Joel 2:4-14 TLAB

Ang anyo nila ay parang anyo ng mga kabayo; at kung paano ang mga mangangabayo, gayon sila nagsisitakbo. Parang ingay ng mga karo sa mga taluktok ng mga bundok nagsisilukso sila, parang hugong ng liyab ng apoy na sumusupok sa dayami, parang isang matibay na bayan na humahanay sa pagbabaka. Sa kanilang harapan ay nangahihirapan ang mga bayan; lahat ng mukha ay nangamumutla. Sila'y nagsisitakbong parang mga malakas na lalake; sila'y nagsisipagalambitin sa kuta na parang mga lalaking mangdidigma; at sila'y nagsisilakad bawa't isa ng kanikaniyang mga lakad, at hindi nila binabago ang kanilang mga hanay. Ni nagtutulakan mang isa'y isa; sila'y lumalakad bawa't isa sa kanikaniyang landas; at sila'y magsisisagupa sa mga almas, at hindi sila malalansag. Kanilang nilulukso ang bayan; kanilang tinatakbo ang kuta; kanilang pinagaalambitinan ang mga bahay; sila'y nagsisipasok sa mga dungawan na parang magnanakaw. Ang lupa ay nayayanig sa harap nila; ang langit ay nanginginig; ang araw at ang buwan ay nagdidilim at itinitigil ng mga bituin ang kanilang kislap: At pinatutunog ng Panginoon ang kaniyang tinig sa harap ng kaniyang hukbo; sapagka't ang kaniyang kampamento ay totoong malaki; sapagka't malakas na nagsasagawa ng kaniyang salita; sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay dakila at totoong kakilakilabot; at sinong makatatahan? Gayon ma'y ngayon, sabi ng Panginoon, magsipanumbalik kayo sa akin ng inyong buong puso, na may pagaayuno, at may pananangis, at may pananambitan: At papagdalamhatiin ninyo ang inyong puso, at hindi ang mga damit ang inyong hapakin, at kayo'y magsipanumbalik sa Panginoon ninyong Dios; sapagka't siya'y maawain at puspos ng kahabagan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob, at nagsisisi siya sa kasamaan. Sinong nakakaalam kung siya'y hindi magbabalik-loob, at magsisisi, at magiiwan ng isang pagpapala sa likuran niya, ng handog na harina, at ng inuming handog sa Panginoon ninyong Dios?