Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Joel 2:4-14

Joel 2:4-14 RTPV05

Parang mga kabayo ang kanilang anyo, waring mga kabayong pandigma kung sila'y tumakbo. Kapag dumaraan sila sa ibabaw ng mga bundok, ang ingay nila ay parang rumaragasang karwahe, parang tuyong damo na sinusunog. Nakahanay sila, tulad ng isang hukbo na handang makipagdigma. Habang sila'y papalapit, nasisindak ang lahat; namumutla sa takot ang bawat isa. Sumasalakay sila, gaya ng mga mandirigma; inaakyat nila ang mga pader gaya ng mga kawal. Walang lingun-lingon silang sumusugod. Walang lumilihis sa landas na tinatahak. Lumulusot sila sa mga tanggulan at walang makakapigil sa kanila. Sinasalakay nila ang lunsod, inaakyat ang mga pader; pinapasok ang mga bahay, lumulusot sila sa mga bintana, gaya ng mga magnanakaw. Sa pagdaan nila'y nayayanig ang lupa; at umuuga ang langit. Nagdidilim ang araw at ang buwan, at pati mga bitui'y ayaw nang magliwanag. Parang kulog ang tinig ni Yahweh, kung mag-utos sa kanyang hukbo. Ang mga pangkat na tumatalima sa kanya ay marami at malalakas. Nakakapangilabot ang araw ni Yahweh! Sino ang makakatagal dito? “Gayunman,” sabi ni Yahweh, “mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin; mag-ayuno kayo, manangis at magdalamhati. Magsisi kayo nang taos sa puso, at hindi pakitang-tao lamang.” Magbalik-loob kayo kay Yahweh na inyong Diyos! Siya'y mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig; laging handang magpatawad at hindi nagpaparusa sa nagsisisi. Maaaring lingapin kayong muli ni Yahweh na inyong Diyos at bigyan kayo ng masaganang ani. Kung magkagayon, mahahandugan ninyo siya ng handog na pagkaing butil at alak.