At nangyari na nang matapos ni Jesus ang mga salitang ito, ay umalis siya sa Galilea at napasa mga hangganan ng Judea sa dako pa roon ng Jordan; At nagsisunod sa kaniya ang lubhang maraming tao, at sila'y pinagaling niya doon. At nagsilapit sa kaniya ang mga Fariseo, na siya'y tinutukso nila, at kanilang sinasabi, Naaayon baga sa kautusan na ihiwalay ng isang lalake ang kaniyang asawa sa bawa't kadahilanan? At siya'y sumagot at sinabi, Hindi baga ninyo nabasa, na ang lumalang sa kanila buhat sa pasimula, ay sila'y nilalang niya na lalake at babae, At sinabi, Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman? Kaya nga hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao. Sinabi nila sa kaniya, Bakit nga ipinagutos ni Moises na magbigay ng kasulatan sa paghihiwalay, at ihiwalay ang babae? Sinabi niya sa kanila, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinaubaya sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawa: datapuwa't buhat sa pasimula ay hindi gayon. At sinasabi ko sa inyo, Sinomang ihiwalay ang kaniyang asawang babae, liban na kung sa pakikiapid, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing yaon na hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya. Ang mga alagad ay nangagsasabi sa kaniya, Kung ganyan ang kalagayan ng lalake sa kaniyang asawa, ay hindi nararapat magasawa. Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Hindi matatanggap ng lahat ng mga tao ang pananalitang ito, kundi niyaong mga pinagkalooban. Sapagka't may mga bating, na ipinanganak na gayon mula sa tiyan ng kanilang mga ina: at may mga bating, na ginagawang bating ng mga tao: at may mga bating, na nangagpapakabating sa kanilang sarili dahil sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay pabayaang tumanggap. Nang magkagayon ay dinala sa kaniya ang maliliit na bata, upang ipatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at ipanalangin: at sinaway sila ng mga alagad. Datapuwa't sinabi ni Jesus, Pabayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyong pagbawalan silang magsilapit sa akin: sapagka't sa mga ganito ang kaharian ng langit. At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kanila, at umalis doon.