Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 19:1-15

Mateo 19:1-15 RTPV05

Pagkatapos niyang ipangaral ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan. Sinundan siya ng napakaraming tao, at doo'y pinagaling niya ang mga maysakit. May ilang Pariseong lumapit sa kanya at nagtangkang humanap ng maipaparatang sa pamamagitan ng tanong na ito, “Naaayon ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” Sumagot si Jesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa sa kasulatan na sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? At siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman.” Tinanong siya ng mga Pariseo, “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya palayasin at hiwalayan ito?” Sumagot si Jesus, “Ipinahintulot ni Moises na palayasin at hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit hindi ganoon sa pasimula. Ito ang sinasabi ko sa inyo, sinumang lalaking magpalayas at humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya'y nangangalunya, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya.” Sinabi naman ng mga alagad, “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag na siyang mag-asawa.” Sumagot si Jesus, “Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos. Sapagkat may iba't ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan ay dahil sa kanilang katutubong kalagayan; ang iba nama'y naging ganoon dahil sa kagagawan ng ibang tao; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa kaharian ng langit. Dapat itong gawin ng taong nakakaunawa sa katuruang ito.” May nagdala ng mga bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. Sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.” Ipinatong nga niya sa mga bata ang kanyang kamay, at pagkatapos, siya'y umalis.