Nang matapos ni Jesus ang mga pananalitang ito, umalis siya sa Galilea at nagtungo sa mga nasasakupan ng Judea sa dakong ibayo ng Jordan.
Sumunod sa kanya ang napakaraming tao at sila'y pinagaling niya roon.
Lumapit sa kanya ang mga Fariseo at upang siya'y masubok ay kanilang itinanong, “Sang-ayon ba sa batas na hiwalayan ng isang tao ang kanyang asawa sa anumang kadahilanan?”
Ngunit siya'y sumagot at sinabi, “Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila buhat sa pasimula ay nilikha silang lalaki at babae,
at kanyang sinabi, ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at makikisama sa kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman?’
Kaya, hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinagsama nga ng Diyos, ay huwag papaghiwalayin ng tao.”
Sinabi nila sa kanya, ‘Kung gayon, bakit ipinag-utos ni Moises sa amin na magbigay ng kasulatan ng paghihiwalay at hiwalayan ang babae?’
Sinabi niya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinahintulot sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawang babae; ngunit buhat sa pasimula ay hindi gayon.
At sinasabi ko sa inyo: sinumang ihiwalay ang kanyang asawang babae, maliban sa pakikiapid ang dahilan, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya. At ang mag-asawa sa babaing inihiwalay ay nagkakasala ng pangangalunya.”
Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Kung gayon ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mas mabuti pang huwag mag-asawa.”
Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi matatanggap ng lahat ang pananalitang ito, kundi iyon lamang pinagkalooban nito.
Sapagkat may mga eunuko, na ipinanganak na gayon mula sa sinapupunan ng kanilang mga ina; at may mga eunuko na ginawang eunuko ng mga tao; at may mga eunuko na ginawang eunuko ang kanilang mga sarili alang-alang sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay hayaang tumanggap.”
Pagkatapos ay dinala sa kanya ang maliliit na bata, upang ipatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila at ipanalangin. Ngunit sinaway ng mga alagad ang mga tao.
Ngunit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalang lumapit sa akin, sapagkat sa mga tulad nila nauukol ang kaharian ng langit.”
Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila, at umalis doon.