At muling sumigaw si Jesus ng malakas na tinig, at nalagot ang kaniyang hininga. At narito, ang tabing ng templo'y nahapak na nagkadalawa buhat sa itaas hanggang sa ibaba; at nayanig ang lupa; at nangabaak ang mga bato; At nangabuksan ang mga libingan; at maraming katawan ng mga banal na nangakatulog ay nangagbangon; At paglabas sa mga libingan pagkatapos na siya'y mabuhay na maguli ay nagsipasok sila sa bayang banal at nangapakita sa marami. Ang senturion nga, at ang mga kasamahan niya sa pagbabantay kay Jesus, nang mangakita nila ang lindol, at ang mga bagay na nangyari, ay lubhang nangatakot, na nangagsasabi, Tunay na ito ang Anak ng Dios. At nangaroroon ang maraming babae na nagsisipanood buhat sa malayo, na nagsisunod kay Jesus buhat sa Galilea, na siya'y kanilang pinaglilingkuran: Na sa mga yaon ay si Maria Magdalena, at si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo. At nang hapon na ay dumating ang isang mayamang mula sa Arimatea, na nagngangalang Jose, na ito'y naging alagad din naman ni Jesus; Ang taong ito'y naparoon kay Pilato, at hiningi ang bangkay ni Jesus. Nang magkagayo'y ipinagutos ni Pilato na ibigay yaon. At kinuha ni Jose ang bangkay at binalot niya ng isang malinis na kayong lino, At inilagay sa kaniyang sariling bagong libingan, na kaniyang hinukay sa bato: at iginulong niya ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan, at umalis. At nangaroon si Maria Magdalena, at ang isang Maria, at nangakaupo sa tapat ng libingan. Nang kinabukasan nga, na siyang araw pagkatapos ng Paghahanda, ay nangagkatipon kay Pilato ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo, Na nagsisipagsabi, Ginoo, naaalaala namin na sinabi ng magdarayang yaon nang nabubuhay pa, Pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon akong muli. Ipagutos mo nga na ingatan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka sakaling magsiparoon ang kaniyang mga alagad at siya'y nakawin, at sabihin sa bayan, Siya'y nagbangon sa gitna ng mga patay: at lalong sasama ang huling kamalian. Sinabi sa kanila ni Pilato, Mayroon kayong bantay: magsiparoon kayo, inyong ingatan ayon sa inyong makakaya. Kaya't sila'y nagsiparoon, at iningatan nila ang libingan, tinatakan ang bato, na kasama nila ang bantay.