Kaya't iwaksi ninyo ang lahat ng kasamaan, pandaraya, pagkukunwari, inggitan, at lahat ng paninirang-puri.
Gaya ng mga sanggol na bagong silang ay mithiin ninyo ang malinis na espirituwal na gatas, upang sa pamamagitan nito'y lumago kayo tungo sa kaligtasan,
kung natikman nga ninyo na ang Panginoon ay mabuti.
Lumapit kayo sa kanya, na isang batong buháy, bagaman itinakuwil ng mga tao gayunma'y pinili at mahalaga sa paningin ng Diyos, at
tulad ng mga batong buháy, hayaan ninyong kayo ay maitayo bilang espirituwal na bahay tungo sa banal na pagkapari, upang mag-alay ng mga espirituwal na handog na kasiya-siya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
Sapagkat ito ang isinasaad ng kasulatan:
“Tingnan ninyo, aking inilalagay sa Zion ang isang bato,
isang batong panulok na pinili at mahalaga;
at sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”
Kaya't sa inyo na nananampalataya, siya'y mahalaga; subalit sa mga hindi nananampalataya,
“Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ay siyang naging puno ng panulok,”
at,
“Isang batong nagpapatisod sa kanila,
at malaking bato na nagpabagsak sa kanila.”
Sila'y natitisod dahil sa pagsuway sa salita, na dito naman sila itinalaga.
Ngunit kayo'y isang lahing pinili, isang maharlikang pagkapari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang inyong ipahayag ang mga makapangyarihang gawa niya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag.
Noon ay hindi kayo bayan, ngunit ngayo'y bayan kayo ng Diyos; noon ay hindi kayo tumanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap kayo ng habag.
Mga minamahal, ipinapakiusap ko sa inyo bilang mga dayuhan at ipinatapon, na kayo'y umiwas sa mga pagnanasa ng laman na nakikipaglaban sa kaluluwa.
Maging marangal ang inyong pag-uugali sa gitna ng mga Hentil upang kung magsalita sila laban sa inyo na parang kayo'y gumagawa ng kasamaan, ay makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng pagdalaw.