Kaya nga, talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri. Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo sa pananampalataya hanggang makamtan ninyo ang ganap na kaligtasan, sapagkat sinasabi sa kasulatan, “Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.”
Lumapit kayo sa kanya; siya ang batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos na mahalaga sa kanyang paningin. Tulad ng mga batong buháy, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya alang-alang kay Jesu-Cristo, sapagkat sinasabi ng kasulatan,
“Tingnan ninyo,
inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga;
hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”
Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga walang pananampalataya, matutupad ang nasa kasulatan,
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-pundasyon.”
At
“Batong katitisuran ng mga tao,
batong ikadadapa nila.”
Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.
Ngunit kayo ay isang lahing pinili, grupo ng maharlikang pari, isang bansang nakalaan sa Diyos, bayang pag-aari ng Diyos upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan. Kayo'y hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon, pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y tinatanggap na ninyo ang kanyang habag.
Mga minamahal, nakikiusap ako sa inyo, bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan lamang sa daigdig na ito, talikuran na ninyo ang masasamang hilig ng katawan na naghihimagsik laban sa inyong kaluluwa. Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na pinaparatangan nila kayo ng masama, kapag nakita nila ang inyong mabubuting gawa ay magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang paghuhukom.