II MGA CRONICA 23
23
Ang Paghihimagsik Laban kay Atalia
(2 Ha. 11:4-16)
1Ngunit sa ikapitong taon ay lumakas ang loob ni Jehoiada, at nakipagtipan siya sa mga punong-kawal ng daan-daan, kina Azarias na anak ni Jeroham, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya, at kay Elisafat na anak ni Zicri.
2Kanilang nilibot ang Juda at tinipon ang mga Levita mula sa lahat ng bayan ng Juda, at ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng Israel, at sila'y dumating sa Jerusalem.
3Ang#2 Sam. 7:12 buong kapulungan ay nakipagtipan sa hari sa bahay ng Diyos. At sinabi ni Jehoiada#23:3 Sa Hebreo ay niya. sa kanila, “Narito, ang anak ng hari! Hayaan siyang maghari gaya nang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga anak ni David.
4Ito ang bagay na inyong gagawin: sa inyong mga pari at mga Levita na magtatapos ang paglilingkod sa Sabbath, ikatlong bahagi sa inyo ang magiging mga bantay-pinto.
5Ang ikatlong bahagi ay sa bahay ng hari, at ang ikatlong bahagi ay sa Pintuan ng Saligan; at ang buong bayan ay sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon.
6Walang papapasukin sa bahay ng Panginoon maliban sa mga pari at mga naglilingkod na Levita. Sila'y maaaring pumasok, sapagkat sila'y banal, ngunit ang buong bayan ay susunod sa tagubilin ng Panginoon.
7Palilibutan ng mga Levita ang hari, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay; at sinumang pumasok sa bahay ay papatayin. Samahan ninyo ang hari sa kanyang pagpasok at sa kanyang paglabas.”
8Ginawa ng mga Levita at ng buong Juda ang ayon sa lahat ng iniutos ng paring si Jehoiada. Bawat isa'y nagdala ng kanyang mga tauhan, ang mga matatapos ang paglilingkod sa Sabbath, kasama ng mga magsisimulang maglingkod sa Sabbath, sapagkat hindi pinauwi ng paring si Jehoiada ang mga pangkat.
9Ibinigay ng paring si Jehoiada sa mga pinunong-kawal ang mga sibat, at ang malalaki at maliliit na mga kalasag na dating kay Haring David, na nasa bahay ng Diyos.
10Kanyang inilagay ang buong bayan bilang bantay para sa hari, bawat tao'y may sandata sa kanyang kamay, mula sa gawing timog ng bahay hanggang sa gawing hilaga ng bahay, sa palibot ng dambana at ng bahay.
11Pagkatapos ay kanyang inilabas ang anak ng hari, at ipinutong nila ang korona sa kanya, at ibinigay sa kanya ang patotoo, at ipinahayag siyang hari. Binuhusan siya ng langis ni Jehoiada at ng kanyang mga anak, at kanilang sinabi, “Mabuhay ang hari.”
12Nang marinig ni Atalia ang ingay ng taong-bayan na nagtatakbuhan at nagpupuri sa hari, siya'y lumabas patungo sa mga tao sa loob ng bahay ng Panginoon.
13Nang siya'y tumingin, naroon ang hari na nakatayo sa tabi ng kanyang haligi sa pasukan, at ang mga punong-kawal at ang mga manunugtog ng trumpeta ay nasa tabi ng hari. Ang lahat ng mga taong-bayan ng lupain ay nagagalak at humihihip ng mga trumpeta, ang mga mang-aawit dala ang kanilang panugtog na nangunguna sa pagdiriwang. Kaya't pinunit ni Atalia ang kanyang damit, at sumigaw: “Kataksilan! Kataksilan!”
14Kaya't inilabas ng paring si Jehoiada ang mga pinunong-kawal na inilagay sa hukbo, at sinabi sa kanila, “Palabasin ninyo siya sa pagitan ng mga hanay; sinumang sumunod sa kanya ay papatayin ng tabak.” Sapagkat sinabi ng pari, “Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng bahay ng Panginoon.”
15Kaya't kanilang binigyang-daan siya at siya'y pumasok sa pintuan ng kabayo sa bahay ng hari, at siya'y kanilang pinatay roon.
Mga Pagbabagong Ginawa ni Jehoiada
(2 Ha. 11:17-20)
16Si Jehoiada ay gumawa ng tipan sa pagitan niya, ng buong bayan at ng hari na sila'y magiging bayan ng Panginoon.
17At ang buong bayan ay pumaroon sa bahay ni Baal at giniba ito. Pinagputul-putol nila ang kanyang mga dambana at ang kanyang mga larawan, at pinatay nila si Mattan na pari ni Baal sa harapan ng mga dambana.
18Naglagay si Jehoiada ng mga bantay para sa bahay ng Panginoon sa pangangasiwa ng mga Levitang pari at ng mga Levitang binuo ni David upang mangasiwa sa bahay ng Panginoon, upang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, na may kagalakan at pag-aawitan, ayon sa utos ni David.
19Kanyang inilagay ang mga bantay-pinto sa mga pintuan ng bahay ng Panginoon, upang huwag pumasok ang sinuman na sa anumang paraan ay marumi.
20Kanyang isinama ang mga pinunong-kawal, ang mga maharlika, ang mga tagapamahala ng bayan, at ang mga taong-bayan ng lupain, at ibinaba nila ang hari mula sa bahay ng Panginoon, at dumaan sa pinakamataas na pintuan patungo sa bahay ng hari. Iniluklok nila ang hari sa trono ng kaharian.
21Kaya't ang mga taong-bayan ng lupain ay nagalak, at ang lunsod ay natahimik, pagkatapos na si Atalia ay mapatay ng tabak.
Kasalukuyang Napili:
II MGA CRONICA 23: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001