II MGA CRONICA 24
24
Si Haring Joas ng Juda
(2 Ha. 12:1-16)
1Si Joas ay pitong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Sibia na taga-Beer-seba.
2At gumawa si Joas ng matuwid sa paningin ng Panginoon sa lahat ng mga araw ng paring si Jehoiada.
3Si Jehoiada ay kumuha para sa kanya ng dalawang asawang babae, at siya'y nagkaroon ng mga anak na lalaki at mga babae.
4Pagkatapos nito, ipinasiya ni Joas na kumpunihin ang bahay ng Panginoon.
5At kanyang tinipon ang mga pari at ang mga Levita, at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa mga lunsod ng Juda, at lumikom kayo mula sa buong Israel ng salapi upang kumpunihin ang bahay ng inyong Diyos taun-taon, at sikapin ninyo na mapabilis ang bagay na ito.” Subalit hindi ito minadali ng mga Levita.
6Kaya't#Exo. 30:11-16 ipinatawag ng hari si Jehoiada na pinuno, at sinabi sa kanya, “Bakit hindi mo inatasan ang mga Levita na dalhin mula sa Juda at Jerusalem ang buwis na iniatang ni Moises, na lingkod ng Panginoon, sa kapulungan ng Israel para sa tolda ng patotoo?”
7Sapagkat pinasok ng mga anak ni Atalia, ang masamang babaing iyon, ang bahay ng Diyos, at ginamit din nila ang lahat ng mga itinalagang bagay sa bahay ng Panginoon para sa mga Baal.
8Kaya't nag-utos ang hari, at sila'y gumawa ng isang kaban, at inilagay ito sa labas ng pintuan ng bahay ng Panginoon.
9Isang pahayag ang ginawa sa buong Juda at Jerusalem na dalhin para sa Panginoon ang buwis na iniatang ni Moises, na tao ng Diyos sa Israel sa ilang.
10Lahat ng mga pinuno at ang buong bayan ay nagalak at dinala ang kanilang buwis at inihulog ito sa kaban, hanggang sa sila'y makatapos.
11Tuwing dadalhin ng mga Levita ang kaban sa mga pinuno ng hari, kapag kanilang nakita na maraming salapi sa loob nito, ang kalihim ng hari at ang pinuno ng punong pari ay darating at aalisan ng laman ang kaban at kukunin at ibabalik ito sa kanyang kinaroroonan. Ganito ang kanilang ginagawa araw-araw, at nakalikom sila ng maraming salapi.
12Ito ay ibinigay ng hari at ni Jehoiada sa nangangasiwa ng gawain sa bahay ng Panginoon. Sila'y umupa ng mga kantero at mga karpintero upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon, gayundin ng mga manggagawa sa bakal at tanso upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon.
13Kaya't nagtrabaho ang mga kasali sa paggawa at ang pagkukumpuni ay nagpatuloy sa kanilang mga kamay, at kanilang ibinalik ang bahay ng Diyos sa kanyang nararapat na kalagayan at pinatibay ito.
14Nang kanilang matapos, kanilang dinala ang nalabing salapi sa harapan ng hari at ni Jehoiada, at sa pamamagitan nito ay gumawa ng mga sisidlan para sa bahay ng Panginoon, maging para sa paglilingkod at para sa mga handog na sinusunog, ng mga sandok para sa kamanyang, at mga sisidlang ginto at pilak. At sila'y patuloy na nag-alay ng mga handog na sinusunog sa bahay ng Panginoon sa lahat ng mga araw ni Jehoiada.
Binago ang mga Patakaran ni Jehoiada
15Ngunit si Jehoiada ay tumanda at napuspos ng mga araw at siya'y namatay. Siya'y isandaan at tatlumpung taon nang siya'y mamatay.
16Kanilang inilibing siya sa lunsod ni David kasama ng mga hari, sapagkat siya'y gumawa ng mabuti sa Israel, sa Diyos at sa kanyang sambahayan.
17Pagkamatay ni Jehoiada, dumating ang mga pinuno ng Juda at nagbigay-galang sa hari, at nakinig sa kanila ang hari.
18Kanilang pinabayaan ang bahay ng Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at naglingkod sa mga sagradong poste#24:18 Sa Hebreo ay Ashera. at sa mga diyus-diyosan. At ang poot ay dumating sa Juda at Jerusalem dahil sa pagkakasala nilang ito.
19Gayunma'y nagsugo siya ng mga propeta sa kanila upang ibalik sila sa Panginoon; ang mga ito'y sumaksi laban sa kanila ngunit ayaw nilang makinig.
20At#Mt. 23:35; Lu. 11:51 nilukuban ng Espiritu ng Diyos si Zacarias na anak ng paring si Jehoiada; at siya'y tumayo sa itaas ng bayan, at sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Diyos, ‘Bakit kayo'y lumalabag sa mga utos ng Panginoon, kaya't kayo'y hindi maaaring umunlad? Sapagkat inyong pinabayaan ang Panginoon, pinabayaan din niya kayo.’”
21Ngunit sila'y nagsabwatan laban sa kanya, at sa utos ng hari ay pinagbabato siya sa bulwagan ng bahay ng Panginoon.
22Sa ganito ay hindi naalala ng haring si Joas ang kagandahang-loob na ipinakita sa kanya ni Jehoiada na ama ni Zacarias,#24:22 Sa Hebreo ay ama niya. sa halip ay pinatay ang kanyang anak. Nang siya'y naghihingalo, kanyang sinabi, “Nawa'y tumingin at maghiganti ang Panginoon!”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Joas
23Sa pagtatapos ng taon, ang hukbo ng mga taga-Siria ay dumating laban kay Joas. Sila'y dumating sa Juda at Jerusalem at nilipol ang lahat ng mga pinuno ng bayan na kasama nila, at ipinadala ang lahat ng kanilang samsam sa hari ng Damasco.
24Bagaman ang hukbo ng mga taga-Siria ay dumating na may iilang tauhan, ibinigay ng Panginoon ang isang napakalaking hukbo sa kanilang kamay, sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa gayo'y ginawaran nila ng hatol si Joas.
25Nang sila'y umalis, na iniwan siyang lubhang sugatan, ang kanyang mga lingkod ay nagsabwatan laban sa kanya dahil sa dugo ng mga anak#24:25 Sa ibang mga kasulatan ay anak. ni Jehoiada na pari, at pinatay siya sa kanyang higaan. Gayon siya namatay at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, ngunit siya'y hindi nila inilibing sa mga libingan ng mga hari.
26Ang mga nagsabwatan laban sa kanya ay si Zabad na anak ni Shimeat na babaing Ammonita, at si Jehozabad na anak ni Simrit na babaing Moabita.
27Ang tungkol sa kanyang mga anak, at ang maraming mga pahayag laban sa kanya, at ang muling pagtatayo ng bahay ng Diyos ay nakasulat sa Kasaysayan ng Aklat ng mga Hari. At si Amasias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Kasalukuyang Napili:
II MGA CRONICA 24: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001