II MGA CRONICA 6
6
Ang Talumpati ni Solomon sa mga Tao
(1 Ha. 8:12-21)
1Pagkatapos ay sinabi ni Solomon,
“Sinabi ng Panginoon na siya'y titira sa makapal na kadiliman.
2Ipinagtayo kita ng isang marangyang bahay,
isang lugar na titirhan mo magpakailanman.”
3Pumihit ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, samantalang ang buong kapulungan ng Israel ay nakatayo.
4Kanyang#2 Sam. 7:1-13; 1 Cro. 17:1-12 sinabi, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sa pamamagitan ng kanyang kamay ay tinupad ang kanyang ipinangako sa pamamagitan ng kanyang bibig kay David na aking ama na sinasabi,
5‘Mula nang araw na aking ilabas ang aking bayan buhat sa lupain ng Ehipto, hindi pa ako pumili ng lunsod mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay manatili roon; at hindi ako pumili ng sinumang lalaki bilang pinuno ng aking bayang Israel.
6Ngunit aking pinili ang Jerusalem upang ang aking pangalan ay manatili roon at aking pinili si David upang mamahala sa aking bayang Israel.’
7Nasa puso ni David na aking ama ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
8Ngunit sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, ‘Yamang nasa iyong puso ang magtayo ng isang bahay para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na ito ay nasa iyong puso.
9Gayunma'y hindi ikaw ang magtatayo ng bahay, kundi ang iyong anak na ipapanganak sa iyo ang siyang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.’
10Ngayo'y tinupad ng Panginoon ang kanyang ginawang pangako, sapagkat ako'y naging kapalit ni David na aking ama, at umupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at itinayo ko ang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
11Doo'y aking inilagay ang kaban na kinalalagyan ng tipan ng Panginoon na kanyang ginawa sa mga anak ni Israel.”
Ang Panalangin ni Solomon
(1 Ha. 8:22-53)
12Pagkatapos si Solomon ay tumayo sa harapan ng dambana ng Panginoon sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at iniunat ang kanyang mga kamay.
13Si Solomon ay may ginawang isang tuntungang tanso na limang siko ang haba, limang siko ang luwang, at tatlong siko ang taas. Inilagay niya ito sa gitna ng bulwagan at tumayo siya sa ibabaw nito. Pagkatapos ay lumuhod siya sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at itinaas ang kanyang mga kamay sa langit.
14Kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng Israel, walang Diyos na gaya mo sa langit o sa lupa, na nag-iingat ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iyong mga lingkod na lumalakad nang buong puso sa harapan mo;
15ikaw na siyang tumupad para sa iyong lingkod na si David na aking ama, ng iyong ipinangako sa kanya. Tunay na ikaw ay nagsalita sa pamamagitan ng iyong bibig, at sa pamamagitan ng iyong kamay ay tinupad mo sa araw na ito.
16Ngayon,#1 Ha. 2:4 O Panginoon, Diyos ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na si David na aking ama ang iyong ipinangako sa kanya, na sinasabi, ‘Hindi ka mawawalan ng kahalili sa aking paningin na uupo sa trono ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay mag-iingat sa kanilang landas, at lalakad sa aking kautusan, gaya ng paglakad mo sa harapan ko.’
17Kaya't ngayon, O Panginoon, Diyos ng Israel, pagtibayin mo ang iyong salita na iyong sinabi sa iyong lingkod na si David.
18“Ngunit#2 Cro. 2:6 totoo bang ang Diyos ay maninirahang kasama ng mga tao sa lupa? Sa langit at sa pinakamataas na langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo!
19Isaalang-alang mo ang panalangin ng iyong lingkod at ang kanyang pagsamo, O Panginoon kong Diyos, iyong pakinggan ang daing at dalangin na idinudulog ng iyong lingkod sa iyo.
20Ang#Deut. 12:11 iyong mga mata ay maging bukas nawa sa araw at gabi sa bahay na ito, ang dakong iyong ipinangako na paglalagyan mo ng iyong pangalan, at nawa'y pakinggan mo ang panalangin na iniaalay ng iyong lingkod sa dakong ito.
21Pakinggan mo ang mga samo ng iyong lingkod at ng iyong bayang Israel, kapag sila'y nananalangin paharap sa dakong ito; pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tirahan; at kapag iyong narinig, magpatawad ka.
22“Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kanyang kapwa at pinasumpa siya, at siya'y dumating at nanumpa sa harapan ng iyong dambana sa bahay na ito,
23ay pakinggan mo nawa mula sa langit, at kumilos ka, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang nagkasala sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang ginawa sa kanyang sariling ulo at pawalang-sala ang matuwid sa pamamagitan ng pagganti sa kanya ayon sa kanyang matuwid na gawa.
24“Kung ang iyong bayang Israel ay matalo ng kaaway, sapagkat sila'y nagkasala laban sa iyo, kapag sila'y nanumbalik at kilalanin ang iyong pangalan, at manalangin at dumaing sa iyo sa bahay na ito,
25dinggin mo mula sa langit, at patawarin mo ang kasalanan ng iyong bayang Israel, at muli mo silang dalhin sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga ninuno.
26“Kapag ang langit ay nasarhan at walang ulan dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo, kung sila'y manalangin paharap sa dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikuran ang kanilang kasalanan, kapag pinarurusahan mo sila,
27pakinggan mo nawa mula sa langit, at patawarin ang kasalanan ng iyong mga lingkod, ng iyong bayang Israel, kapag iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na dapat nilang lakaran; at bigyan ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan bilang pamana.
28“Kung may taggutom sa lupain, kung may salot o pagkalanta, o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa alinman sa kanilang mga lunsod, anumang salot o anumang sakit mayroon;
29anumang panalangin, anumang pagsamong gawin ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel, na bawat isa'y nakakaalam ng sarili niyang kahirapan, at sarili niyang kalungkutan at iniunat ang kanyang mga kamay paharap sa bahay na ito,
30pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan, at magpatawad ka, at humatol sa bawat tao na ang puso ay iyong nalalaman, ayon sa lahat niyang mga lakad (sapagkat ikaw, ikaw lamang, ang nakakaalam ng puso ng mga anak ng mga tao);
31upang sila'y matakot sa iyo at lumakad sa iyong mga daan sa lahat ng mga araw na sila'y nabubuhay sa lupaing ibinigay mo sa aming mga ninuno.
32“Gayundin naman, kapag ang isang dayuhan na hindi kabilang sa iyong bayang Israel ay dumating mula sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan, at sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong unat na bisig, kapag siya'y dumating at nanalangin paharap sa bahay na ito,
33pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong tahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat ng itinatawag sa iyo ng dayuhan, upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan at matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.
34“Kung ang iyong bayan ay lumabas upang makipagdigma sa kanilang mga kaaway, saanmang daan mo sila suguin, at sila'y manalangin sa iyo paharap sa lunsod na ito na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan,
35pakinggan mo nawa mula sa langit ang kanilang panalangin at ang kanilang samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan.
36“Kung sila'y magkasala laban sa iyo,—sapagkat walang taong hindi nagkakasala,—at ikaw ay galit sa kanila, at ibinigay mo sila sa isang kaaway, kaya't sila'y dinalang-bihag sa isang lupaing malayo o malapit;
37ngunit kung sila'y magising sa lupaing pinagdalhan sa kanila bilang bihag, at sila'y magsisi at magsumamo sa iyo sa lupain ng kanilang pagkabihag, na sinasabi, ‘Kami ay nagkasala, kami ay gumawa ng may kalikuan at kasamaan,’
38kung sila'y magsisi ng kanilang buong pag-iisip at buong puso sa lupain ng kanilang pagkabihag, kung saan sila'y dinalang-bihag at manalangin paharap sa kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan,
39pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan ang kanilang panalangin at ang kanilang mga samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan; at patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo.
40Ngayon, O Diyos ko, mabuksan nawa ang iyong mga mata at makinig ang iyong mga tainga sa panalangin sa dakong ito.
41“Ngayon#Awit 132:8-10 nga'y bumangon ka, O Panginoong Diyos, at pumunta ka sa iyong pahingahang dako, ikaw at ang kaban ng iyong kapangyarihan. Mabihisan nawa ng kaligtasan, O Panginoong Diyos, ang iyong mga pari, at ang iyong mga banal ay magalak sa iyong kabutihan.
42O Panginoong Diyos, huwag mong tatalikuran ang iyong hinirang.#6:42 Sa Hebreo ay binuhusan ng langis. Alalahanin mo ang iyong tapat na pag-ibig kay David na iyong lingkod.”
Kasalukuyang Napili:
II MGA CRONICA 6: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001