Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA CRONICA 7

7
Ang Pagtatalaga ng Templo
(1 Ha. 8:62-66)
1Nang#Lev. 9:23-24 matapos na ni Solomon ang kanyang panalangin, bumaba ang isang apoy mula sa langit at tinupok ang handog na sinusunog at ang mga alay at napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang templo.
2Ang mga pari ay hindi makapasok sa bahay ng Panginoon, sapagkat napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.
3Nang#1 Cro. 16:34; 2 Cro. 5:13; Ezra 3:11; Awit 100:5; 106:1; 107:1; 118:1; 136:1; Jer. 33:11 makita ng lahat ng mga anak ni Israel ang apoy na bumaba at ang kaluwalhatian ng Panginoon na nasa templo, iniyuko nila ang kanilang mga mukha sa lupa at sumamba, at nagpasalamat sa Panginoon, na nagsasabi, “Sapagkat siya'y mabuti; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.”
4Pagkatapos ang hari at ang buong bayan ay naghandog ng alay sa harapan ng Panginoon.
5Si Haring Solomon ay naghandog bilang alay ng dalawampu't dalawang libong baka at isandaan at dalawampung libong tupa. Sa gayon itinalaga ng hari at ng buong bayan ang bahay ng Diyos.
6Ang mga pari ay nakatayo sa kanilang mga lugar; gayundin ang mga Levita na may mga kagamitang panugtog sa Panginoon na ginawa ni Haring David para sa pasasalamat sa Panginoon—sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman—tuwing si David ay mag-aalay ng papuri sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa. Katapat nila, ang mga pari ay nagpatunog ng mga trumpeta at ang buong Israel ay tumayo.
7Itinalaga ni Solomon ang gitna ng bulwagan na nasa harapan ng bahay ng Panginoon; sapagkat doon niya inialay ang mga handog na sinusunog at ang taba ng mga handog pangkapayapaan, sapagkat hindi makaya ng tansong dambana na ginawa ni Solomon ang handog na sinusunog, ang handog na butil at ang taba.
Ang Pista ng Pagtatalaga
8Nang panahong iyon ipinagdiwang ni Solomon at ng buong Israel na kasama niya ang kapistahan sa loob ng pitong araw. Iyon ay isang napakalaking kapulungan, mula sa pasukan sa Hamat hanggang sa batis ng Ehipto.
9Nang ikawalong araw, sila ay nagdaos ng isang taimtim na pagtitipon; sapagkat kanilang isinagawa ang pagtatalaga sa dambana sa loob ng pitong araw at ang kapistahan ay pitong araw.
10Sa ikadalawampu't tatlong araw ng ikapitong buwan, kanyang pinauwi ang bayan sa kani-kanilang mga tolda, na nagagalak at may masayang puso dahil sa kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David, kay Solomon, at sa Israel na kanyang bayan.
Muling Nagpakita ang Diyos kay Solomon
(1 Ha. 9:1-9)
11Sa gayon tinapos ni Solomon ang bahay ng Panginoon at ang bahay ng hari. Lahat ng pinanukalang gawin ni Solomon sa bahay ng Panginoon at sa kanyang sariling bahay ay matagumpay niyang nagawa.
12Pagkatapos ang Panginoon ay nagpakita kay Solomon sa gabi, at sinabi sa kanya, “Narinig ko ang iyong dalangin, at pinili ko ang dakong ito para sa aking sarili bilang bahay ng pag-aalay.
13Kapag aking isinara ang langit upang huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang upang lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;
14at kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at manalangin, at hanapin ako#7:14 Sa Hebreo ay ang aking mukha. at tumalikod sa kanilang masasamang lakad; akin silang papakinggan mula sa langit, at patatawarin ko ang kanilang kasalanan at pagagalingin ang kanilang lupain.
15Ngayon ang aking mga mata ay mabubuksan, at ang aking mga tainga ay makikinig sa panalangin na ginagawa sa dakong ito.
16Sapagkat ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito upang ang aking pangalan ay manatili roon magpakailanman; ang aking mga mata at ang aking puso ay mananatili roon sa lahat ng panahon.
17Tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harapan ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga tuntunin at ang aking mga batas,
18aking#1 Ha. 2:4 patatatagin ang trono ng iyong kaharian, gaya ng aking ipinakipagtipan kay David na iyong ama, na sinasabi, ‘Hindi ka magkukulang ng lalaki na mamumuno sa Israel.’
19“Ngunit kung kayo#7:19 Sa Hebreo ay sila. ay humiwalay at talikuran ninyo ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harapan ninyo, at humayo at maglingkod sa ibang mga diyos at sambahin sila,
20aking bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan ay itataboy ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan at isang bukambibig sa lahat ng mga bayan.
21Sa bahay na ito na dakila, bawat magdaraan ay magtataka at magsasabi, ‘Bakit ganito ang ginawa ng Panginoon sa lupaing ito at sa bahay na ito?’
22Kanilang sasabihin, ‘Sapagkat kanilang pinabayaan ang Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, at bumaling sa ibang mga diyos, at sinamba at pinaglingkuran ang mga ito; kaya't kanyang dinala ang lahat ng kasamaang ito sa kanila.’”

Kasalukuyang Napili:

II MGA CRONICA 7: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in