Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA HARI 18

18
Si Haring Hezekias ng Juda
(2 Cro. 29:1, 2; 31:1)
1Nang ikatlong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Hezekias na anak ni Ahaz na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.
2Siya ay dalawampu't limang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Abi na anak ni Zacarias.
3Siya'y gumawa ng matuwid sa paningin#18:3 Sa Hebreo ay mga mata. ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni David na kanyang ninuno.
4Kanyang#Bil. 21:9 inalis ang matataas na dako, winasak ang mga haligi, at ibinagsak ang mga sagradong poste.#18:4 Sa Hebreo ay Ashera. Kanyang pinagputul-putol ang ahas na tanso na ginawa ni Moises, sapagkat hanggang sa mga araw na iyon ay pinagsusunugan ito ng insenso ng mga anak ni Israel; ito ay tinawag na Nehustan.
5Siya'y nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel at walang naging gaya niya sa lahat ng mga hari ng Juda pagkatapos niya o maging sa mga nauna sa kanya.
6Sapagkat siya'y humawak nang mahigpit sa Panginoon; siya'y hindi humiwalay sa pagsunod sa kanya, kundi iningatan ang kanyang mga utos na iniutos ng Panginoon kay Moises.
7Ang Panginoon ay kasama niya; saanman siya magtungo ay nagtatagumpay siya. Siya'y naghimagsik laban sa hari ng Asiria, at ayaw niyang maglingkod sa kanya.
8Kanyang nilusob ang mga Filisteo hanggang sa Gaza at sa mga nasasakupan nito, mula sa muog-bantayan hanggang sa lunsod na may kuta.
9Nang ikaapat na taon ni Haring Hezekias, na siyang ikapitong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Shalmaneser na hari ng Asiria ay umahon laban sa Samaria at kinubkob niya iyon,
10at sa katapusan ng tatlong taon ay kanilang sinakop iyon. Nang ikaanim na taon ni Hezekias, na siyang ikasiyam na taon ni Hosheas na hari ng Israel, ang Samaria ay sinakop.
11Dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, ang ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng mga Medo,
12sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon nilang Diyos, kundi kanilang nilabag ang kanyang tipan, maging ang lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon. Hindi sila nakinig ni sumunod.
Pinagbantaan ng Taga-Asiria ang Jerusalem
(2 Cro. 32:1-19; Isa. 36:1-22)
13Nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng bayang nakukutaan ng Juda at sinakop ang mga iyon.
14Si Hezekias na hari ng Juda ay nagsugo sa hari ng Asiria sa Lakish, na nagsasabi, “Ako'y nagkamali; iwan mo ako. Anumang ipataw mo sa akin ay aking papasanin.” At pinatawan ng hari ng Asiria si Hezekias na hari ng Juda ng tatlongdaang talentong pilak at tatlumpung talentong ginto.
15Ibinigay ni Hezekias sa kanya ang lahat ng pilak na natagpuan sa bahay ng Panginoon, at sa kabang-yaman ng bahay ng hari.
16Nang panahong yaon ay inalis ni Hezekias ang ginto mula sa mga pintuan ng templo ng Panginoon at mula sa mga haligi na binalutan ni Hezekias na hari ng Juda at ibinigay ito sa hari ng Asiria.
17Isinugo ng hari ng Asiria ang Tartan, ang Rabsaris, at ang Rabsake na may malaking hukbo mula sa Lakish patungo kay Haring Hezekias sa Jerusalem. At sila'y umahon at nakarating sa Jerusalem. Nang sila'y makarating, sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng daluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig na nasa lansangan patungo sa Parang na Bilaran.
18Nang matawag na nila ang hari, lumabas sa kanila si Eliakim na anak ni Hilkias, na siyang katiwala ng bahay, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala.
19At sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ganito ang sabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: Sa ano ninyo ibinabatay ang pagtitiwala ninyong ito?
20Iyong sinasabi (ngunit mga salitang walang kabuluhan lamang) may payo at kalakasan sa pakikidigma. Ngayon, kanino ka nagtitiwala, na ikaw ay maghimagsik laban sa akin?
21Narito ngayon, ikaw ay umaasa sa Ehipto, sa baling tungkod na iyon na tutusok sa kamay ng sinumang taong sasandal doon. Gayon si Faraon na hari ng Ehipto sa lahat ng umaasa sa kanya.
22Ngunit kung inyong sasabihin sa akin, “Kami ay umaasa sa Panginoon naming Diyos,” hindi ba siya yaong inalisan ni Hezekias ng matataas na dako at ng mga dambana, na sinasabi sa Juda at Jerusalem, “Kayo'y sasamba sa dambanang ito sa Jerusalem?”
23Halika ngayon, makipagpustahan ka sa aking panginoong hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung makakaya mong lagyan ng mga mangangabayo ang mga iyon.
24Paano mo maitataboy ang isang punong-kawal mula sa pinakamahina sa mga lingkod ng aking panginoon, samantalang umaasa ka sa Ehipto para sa mga karwahe at mga mangangabayo?
25Bukod dito, ako ba'y umahon na hindi ko kasama ang Panginoon laban sa lugar na ito upang ito'y wasakin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Umahon ka laban sa lupaing ito, at wasakin mo ito.’”
26Nang magkagayo'y sinabi ni Eliakim na anak ni Hilkias, at nina Sebna at Joah sa Rabsake, “Hinihiling ko sa iyo, magsalita ka sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaico sapagkat naiintindihan namin iyon. Huwag kang magsalita sa amin sa wikang Juda, sa mga pandinig ng taong-bayan na nasa pader.”
27Ngunit sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sinugo ba ako ng aking panginoon upang sabihin ang mga salitang ito sa iyong panginoon at sa inyo, at hindi sa mga lalaking nakaupo sa pader na nakatadhanang kasama ninyo na kumain ng kanilang sariling dumi at uminom ng kanilang sariling ihi?”
28Pagkatapos ay tumayo ang Rabsake at sumigaw ng malakas sa wikang Juda, “Pakinggan ninyo ang salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria!”
29Ganito ang sabi ng hari, “Huwag kayong padaya kay Hezekias, sapagkat kayo'y hindi niya maililigtas sa aking kamay.
30Huwag ninyong hayaang pagtiwalain kayo ni Hezekias sa Panginoon sa pagsasabing, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon, at ang lunsod na ito ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.’
31Huwag kayong makinig kay Hezekias, sapagkat ganito ang sabi ng hari ng Asiria, ‘Makipagpayapaan kayo sa akin at lumabas kayo sa akin; at ang bawat isa sa inyo ay kakain mula sa kanyang sariling puno ng ubas, at ang bawat isa mula sa kanyang sariling puno ng igos, at ang bawat isa sa inyo ay iinom ng tubig sa kanyang sariling balon;
32hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, isang lupain ng trigo at ng alak, isang lupain ng tinapay at ng mga ubasan, isang lupain ng langis na olibo at ng pulot, upang kayo'y mabuhay at hindi mamatay. At huwag kayong makinig kay Hezekias kapag kayo'y ililigaw niya sa pagsasabing, Ililigtas tayo ng Panginoon.
33Mayroon na bang sinuman sa mga diyos ng mga bansa na nakapagligtas ng lupain niya sa kamay ng hari ng Asiria?
34Nasaan ang mga diyos ng Hamat at Arpad? Nasaan ang mga diyos ng Sefarvaim, Hena at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?
35Sino sa lahat ng mga diyos ng mga lupain ang nakapagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na anupa't ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?’”
36Ngunit ang bayan ay tahimik, at hindi siya sinagot ng kahit isang salita, sapagkat ang utos ng hari ay, “Huwag ninyo siyang sagutin.”
37Nang magkagayon, si Eliakim na anak ni Hilkias, na katiwala ng sambahayan, si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay pumunta kay Hezekias na punit ang kanilang suot at sinabi sa kanya ang mga salita ng Rabsake.

Kasalukuyang Napili:

II MGA HARI 18: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in