Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA HARI 19

19
Hiningi ng Hari ang Payo ni Isaias
(Isa. 37:1-7)
1Nang ito'y marinig ni Haring Hezekias, pinunit niya ang kanyang mga suot, nagbalot ng damit-sako, at pumasok sa bahay ng Panginoon.
2Kanyang sinugo kay propeta Isaias na anak ni Amos sina Eliakim na katiwala sa bahay, si Sebna na kalihim, at ang matatanda sa mga pari na may mga balot na damit-sako.
3Sinabi nila sa kanya, “Ganito ang sabi ni Hezekias, Ang araw na ito ay araw ng kabagabagan, ng pagsaway at ng kahihiyan. Ang mga bata ay dumating na sa kapanganakan, at walang lakas upang sila'y mailuwal.
4Marahil ay narinig ng Panginoon mong Diyos ang lahat ng mga salita ng Rabsake, na siyang sinugo ng kanyang panginoong hari ng Asiria upang tuyain ang buháy na Diyos, at sawayin ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Diyos. Kaya't itaas mo ang iyong panalangin para sa nalalabing naiwan.”
5At ang mga lingkod ni Haring Hezekias ay dumating kay Isaias,
6at sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong panginoon, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot dahil sa mga salitang narinig mo, na ipinanlait sa akin ng mga lingkod ng hari ng Asiria.
7Ako'y maglalagay ng isang espiritu sa kanya, at siya'y makakarinig ng bali-balita at babalik sa kanyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kanyang sariling lupain.’”
Muling Nagbanta ang Taga-Asiria
(Isa. 37:8-20)
8Bumalik ang Rabsake at natagpuan ang hari ng Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagkat nabalitaan niya na nilisan ng hari ang Lakish.
9Nang marinig ng hari ang tungkol kay Tirhaca na hari ng Etiopia, “Tingnan mo, siya'y lumabas upang lumaban sa iyo,” siya'y muling nagpadala ng mga sugo kay Hezekias, na sinasabi,
10“Ganito ang inyong sasabihin kay Hezekias na hari ng Juda, ‘Huwag kang padadaya sa Diyos na iyong inaasahan sa pamamagitan ng pangangako na ang Jerusalem ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.
11Nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain, na ganap nilang winawasak. At ikaw kaya ay maililigtas?
12Nailigtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansang winasak ng aking mga ninuno—ang Gozan, Haran, Resef, at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Telasar?
13Nasaan ang hari ng Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ang hari ng Hena, o ang hari ng Iva?’”
14Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito. Pagkatapos ay pumanhik si Hezekias sa bahay ng Panginoon at iniladlad ito sa harapan ng Panginoon.
15At#Exo. 25:22 si Hezekias ay nanalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, “O Panginoong Diyos ng Israel na nakaupo sa itaas ng mga kerubin, ikaw ang Diyos, ikaw lamang sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.
16Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at iyong pakinggan at imulat mo ang iyong mga mata, O Panginoon. Tumingin ka at pakinggan mo ang mga salita ni Senakerib, na kanyang isinugo upang kutyain ang buháy na Diyos.
17Sa katotohanan, Panginoon, winasak ng mga hari ng Asiria ang mga bansa at ang kanilang mga lupain,
18at inihagis ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, mga kahoy at bato; kaya't sila'y winasak.
19Ngayon nga, O Panginoon naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang mga kamay, isinasamo ko sa iyo, upang makilala ng lahat ng mga kaharian sa lupa na ikaw, Panginoon, ang tanging Diyos.”
20Pagkatapos ay nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Hezekias, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, Sapagkat ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senakerib na hari ng Asiria, ikaw ay aking pinakinggan.
Ang Mensahe ni Isaias sa Hari
(Isa. 37:21-38)
21Ito ang salita na sinabi ng Panginoon tungkol sa kanya:
“Hinahamak ka niya, kinukutya ka niya—
ikaw na anak na babaing birhen ng Zion;
iniiling niya ang kanyang ulo sa likuran mo—
ikaw na anak na babae ng Jerusalem.
22“Sino ang iyong hinamak at kinutya?
Laban kanino mo itinaas ang iyong tinig
at may kapalaluang itinaas ang iyong mga mata?
Laban sa Banal ng Israel!
23Sa pamamagitan ng iyong mga sugo ay kinutya mo ang Panginoon,
at iyong sinabi, ‘Sa pamamagitan ng marami kong mga karwahe
ako'y nakaahon sa kaitaasan ng mga bundok,
hanggang sa kasuluksulukan ng Lebanon.
Ibinuwal ko ang kanyang pinakamataas na sedro,
ang kanyang mga piling puno ng cipres;
pinasok ko ang kanyang pinakamalayong tuluyan,
at ang kanyang pinakamasukal na gubat.
24Ako'y humukay ng balon
at uminom ng ibang tubig
at pinatuyo ng talampakan ng aking paa
ang lahat ng ilog sa Ehipto.’
25“Hindi mo ba narinig
na iyon ay matagal ko nang naipasiya?
Binalak ko nang nakaraang mga araw
ang ngayon ay aking pinapangyayari,
na mga lunsod na may kuta ay gagawin mong mga bunton ng guho,
26samantalang ang kanilang mga mamamayan ay naubusan ng lakas,
lupaypay at nalilito,
at naging gaya ng mga halaman sa bukid,
at gaya ng luntiang gulayin,
gaya ng damo sa mga bubungan,
na lanta na bago ito lumago?
27“Ngunit nalalaman ko ang iyong pag-upo
at ang iyong paglabas at pagpasok,
at ang iyong pagkagalit laban sa akin.
28Sapagkat ikaw ay nagalit laban sa akin
at ang iyong pagmamataas ay nakarating sa aking mga tainga,
ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong,
at ang aking busal sa iyong bibig,
at ibabalik kita sa daang
pinanggalingan mo.
29“At ito ang magiging tanda para sa iyo: sa taong ito ikaw ay kakain ng tumutubo sa kanyang sarili, at sa ikalawang taon ay ang tumubo roon; at sa ikatlong taon ay maghahasik kayo, at aani, at magtatanim ng ubasan, at kakainin ninyo ang kanilang bunga.
30Ang naiwang ligtas sa sambahayan ni Juda ay muling mag-uugat pailalim at magbubunga pataas;
31sapagkat mula sa Jerusalem ay lalabas ang isang nalabi, at sa bundok ng Zion ay isang pangkat ng naiwan. Ang sigasig ng Panginoon ang gagawa nito.
32“Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria. Siya'y hindi papasok sa lunsod na ito, o papana man ng palaso doon, o darating sa unahan na may kalasag, o maglalagay man ng bunton laban doon.
33Sa daang kanyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya papasok sa lunsod na ito, sabi ng Panginoon.
34Sapagkat ipagtatanggol ko ang lunsod na ito upang iligtas ito, alang-alang sa akin at sa aking lingkod na si David.”
35Nang gabing iyon ang anghel ng Panginoon ay lumabas at pumatay ng isandaan at walumpu't limang libo sa kampo ng mga taga-Asiria. At nang ang mga tao'y maagang bumangon kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.
36Pagkatapos ay umalis si Senakerib na hari ng Asiria, at umuwi at nanirahan sa Ninive.
37Habang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroc na kanyang diyos, pinatay siya ng tabak ng kanyang mga anak na sina Adramalec at Sharezer; at sila'y tumakas patungo sa lupain ng Ararat. Si Esar-hadon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Kasalukuyang Napili:

II MGA HARI 19: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in