MGA GAWA 15
15
Ang Pagpupulong sa Jerusalem
1May#Lev. 12:3 ilang tao ang dumating mula sa Judea na nagtuturo sa mga kapatid, “Maliban na kayo'y tuliin ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas.”
2Pagkatapos na magkaroon sina Pablo at Bernabe ng hindi maliit na pakikipagtalo at pakikipagsalungatan sa kanila, sina Pablo at Bernabe, at ang ilan sa iba pa ay inatasang pumunta sa Jerusalem, upang talakayin ang suliraning ito sa mga apostol at sa matatanda.
3Kaya't isinugo sila ng iglesya sa kanilang paglalakbay, at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, iniulat nila ang pagbabagong-loob ng mga Hentil at sila'y nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid.
4Nang sila'y makarating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesya at ng mga apostol at ng matatanda, at iniulat nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.
5Subalit ang ilang mananampalataya na kasapi sa sekta ng mga Fariseo ay tumayo at nagsabi, “Kailangang sila'y tuliin at utusang sundin ang kautusan ni Moises.”
6Nagtipon ang mga apostol at ang matatanda upang pag-usapan ang bagay na ito.
7Pagkatapos#Gw. 10:1-43 ng maraming talakayan, tumindig si Pedro at sinabi sa kanila, “Mga ginoo, mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga unang araw ay pumili ang Diyos sa inyo, na sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Hentil ang salita ng ebanghelyo, at sila'y manampalataya.
8At#Gw. 10:44; Gw. 2:4 ang Diyos na nakakaalam ng puso ng tao ay nagpatotoo sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng Espiritu Santo tulad nang nangyari sa atin;
9at tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, kundi nilinis ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya.
10Kaya ngayon, bakit ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng paglalagay ng pamatok sa batok ng mga alagad na kahit ang ating mga ninuno ni tayo ay hindi nakayang dalhin?
11Ngunit naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na tulad naman nila.”
12Tumahimik ang buong kapulungan at kanilang pinakinggan sina Bernabe at Pablo na isinasalaysay ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng mga Hentil.
13Nang matapos na silang magsalita ay sumagot si Santiago, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako.
14Ipinaliwanag na ni Simeon kung paanong unang dinalaw ng Diyos ang mga Hentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan para sa kanyang pangalan.
15At dito'y sumasang-ayon ang mga salita ng mga propeta, tulad ng nasusulat,
16‘Pagkatapos#Amos 9:11, 12 (LXX) ng mga bagay na ito, ako'y babalik,
at muli kong itatayo ang tolda ni David na bumagsak;
muli kong itatatag ang guho nito,
at ito'y aking itatayo:
17upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon,
at ng lahat ng mga Hentil na tinatawag sa aking pangalan,
18sabi ng Panginoon na nagpakilala ng mga bagay na ito mula ng una.’
19Kaya't ang hatol ko ay huwag nating gambalain ang mga Hentil na nagbabalik-loob sa Diyos.
20Sa#Exo. 34:15-17; Lev. 18:6-23; Lev. 17:10-16 halip ay sumulat tayo sa kanila, na sila'y lumayo sa mga bagay na pinarumi ng diyus-diyosan at pakikiapid, at sa anumang bagay na binigti, at sa dugo.
21Sapagkat mula sa mga unang salinlahi si Moises ay mayroon sa bawat lunsod na nangangaral tungkol sa kanya, dahil binabasa siya nang malakas tuwing Sabbath sa mga sinagoga.”
Ang Sulat sa mga Mananampalatayang Hentil
22Nang magkagayo'y minabuti ng mga apostol at ng matatanda, pati ng buong iglesya, na pumili ng kalalakihan mula sa kanilang bilang at isugo sa Antioquia na kasama nina Pablo at Bernabe. Isinugo nila si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas, na mga nangungunang lalaki sa mga kapatid,
23at isinulat sa pamamagitan ng kamay nila:
“Ang mga apostol at ang matatanda, ang mga kapatid, sa mga kapatid na nasa mga Hentil sa Antioquia at Siria at Cilicia, ay bumabati.
24Yamang aming nabalitaan na ang ilang tao mula sa amin ay nagsabi ng mga bagay upang bagabagin kayo at ginugulo ang inyong mga isip gayong hindi namin sila binigyan ng tagubilin,
25ay may pagkakaisa naming ipinasiya na humirang ng mga lalaki at isugo sila sa inyo na kasama ng aming mga minamahal na sina Bernabe at Pablo,
26na mga lalaking nagsuong ng kanilang mga buhay sa panganib alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
27Kaya't isinugo namin sina Judas at Silas na magsasabi sa inyo ng gayunding mga bagay sa pamamagitan ng salita ng bibig.
28Sapagkat minabuti ng Espiritu Santo at namin na huwag kayong pagpasanin ng higit na mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kailangan:
29na kayo'y umiwas sa mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa mga binigti, at sa pakikiapid. Kung kayo'y iiwas sa mga bagay na ito ay ikabubuti ninyo. Paalam.”
30Kaya't nang sila'y makaalis na, pumunta sila sa Antioquia. Nang matipon na nila ang kapulungan ay kanilang ibinigay ang sulat.
31Nang ito'y kanilang mabasa, sila ay nagalak sa pangaral.
32Sina Judas at Silas, na mga propeta rin naman, ay nagsalita ng marami upang pasiglahin at palakasin ang mga kapatid.
33Pagkatapos na sila'y manatili roon ng ilang panahon, sila'y payapang pinabalik ng mga kapatid sa mga nagsugo sa kanila.
[34Ngunit minabuti ni Silas ang manatili roon.]
35Ngunit nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, na itinuturo at ipinangangaral ang salita ng Panginoon na kasama rin ang marami pang iba.
Naghiwalay sina Pablo at Bernabe
36Makaraan ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat bayang pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.”
37Nais ni Bernabe na kanilang isama si Juan, na tinatawag na Marcos.
38Ngunit#Gw. 13:13 minabuti ni Pablo na huwag isama ang humiwalay sa kanila mula sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain.
39At nagkaroon ng mainitang pagtatalo, anupa't sila'y naghiwalay, at isinama ni Bernabe si Marcos, at naglayag patungong Cyprus.
40Ngunit pinili ni Pablo si Silas, at sila'y umalis na ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Panginoon.
41Siya'y dumaan sa Siria at Cilicia at pinalakas ang mga iglesya.
Kasalukuyang Napili:
MGA GAWA 15: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001