MGA GAWA 16
16
Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas
1Nakarating si Pablo#16:1 Sa Griyego ay siya. sa Derbe at sa Listra. Naroon ang isang alagad na ang pangalan ay Timoteo, na anak ng isang babaing Judio na mananampalataya, ngunit Griyego ang kanyang ama.
2Maganda ang patotoo tungkol sa kanya ng mga kapatid sa Listra at Iconio.
3Nais ni Pablo na sumama sa kanya si Timoteo; at nang kanyang kunin siya ay kanyang tinuli dahil sa mga Judio na nasa mga lugar na iyon sapagkat nalalaman ng lahat na ang kanyang ama ay isang Griyego.
4At sa kanilang paglalakbay sa mga bayan-bayan, kanilang dinadala sa kanila ang mga utos na napagpasiyahan ng mga apostol at ng matatanda sa Jerusalem.
5Kaya't ang mga iglesya ay lumakas sa pananampalataya at nadagdagan ang kanilang bilang araw-araw.
Ang Pangitain ni Pablo sa Troas
6At naglakbay sila sa lupain ng Frigia at Galacia, dahil pinagbawalan sila ng Espiritu Santo na ipangaral ang salita sa Asia.
7Nang sila'y dumating sa tapat ng Misia, ay pinagsikapan nilang makapasok sa Bitinia ngunit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus.
8At paglampas nila sa Misia ay nagtungo sila sa Troas.
9Nang gabing iyon ay lumitaw ang isang pangitain kay Pablo: may isang lalaking taga-Macedonia na nakatayo at nakikiusap sa kanya na sinasabi, “Tumawid ka patungo sa Macedonia, at tulungan mo kami.”
10At pagkakita niya sa pangitain, sinikap naming pumunta agad sa Macedonia, na naniniwalang kami'y tinawag ng Diyos upang ipangaral ang magandang balita sa kanila.
Nanampalataya si Lydia
11Kaya't pagtulak mula sa Troas, tumuloy kami sa Samotracia, at nang sumunod na araw ay sa Neapolis;
12at mula roo'y sa Filipos, na pangunahing lunsod sa distrito ng Macedonia, at ito'y sakop ng Roma. Kami ay tumigil sa lunsod na ito nang ilang araw.
13At sa araw ng Sabbath ay pumunta kami sa labas ng pintuan sa may tabi ng ilog na sa palagay namin ay may dakong panalanginan, at kami'y umupo, at nakipag-usap sa mga babaing nagtitipon doon.
14At nakinig sa amin ang isang babaing ang pangalan ay Lydia na sumasamba sa Diyos. Siya'y mula sa lunsod ng Tiatira at isang mangangalakal ng mga telang kulay-ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso upang makinig na mabuti sa mga bagay na sinasabi ni Pablo.
15Nang siya'y mabautismuhan na, kasama ang kanyang sambahayan, ay nakiusap siya sa amin, na sinasabi, “Kung inyong hinatulan na ako'y tapat sa Panginoon, tumuloy kayo sa aking bahay, at doon tumigil.” At kami'y napilit niya.
Nabilanggo sina Pablo at Silas sa Filipos
16Samantalang papunta kami sa dakong panalanginan, sinalubong kami ng isang aliping batang babae na may espiritu ng panghuhula at nagdadala ng maraming pakinabang sa kanyang mga amo sa pamamagitan ng panghuhula.
17Siya'y sumusunod kay Pablo at sa amin, na sumisigaw, “Ang mga taong ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos, na nagpapahayag sa inyo ng daan ng kaligtasan.”
18At ginawa niya ito sa loob ng maraming araw. Ngunit nang mabagabag na si Pablo ay lumingon siya at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo na lumabas ka sa kanya.” At ito ay lumabas nang oras ding iyon.
19Ngunit nang makita ng kanyang mga amo na wala na ang inaasahan nilang pakinabang ay hinuli nila sina Pablo at Silas, at kinaladkad sila sa pamilihan, sa harapan ng mga pinuno.
20Nang maiharap na sila sa mga hukom, ay sinabi nila, “Ang mga taong ito ay mga Judio, at ginugulo nila ang ating lunsod.
21Nagtuturo sila ng mga kaugaliang hindi ipinahihintulot sa ating mga Romano na tanggapin at gawin.”
22Ang maraming tao ay sama-samang tumindig laban sa kanila; at pinunit ng mga hukom ang mga damit nina Pablo at Silas,#16:22 Sa Griyego ay nila. at ipinag-utos na hagupitin sila.
23Nang sila'y mahagupit na nila nang maraming ulit, itinapon sila sa bilangguan, at pinagbilinan ang tanod ng bilangguan na sila'y bantayang mabuti.
24Nang kanyang matanggap ang utos na ito, kanyang ipinasok sila sa kaloob-looban ng bilangguan at ikinabit ang kanilang mga paa sa mga panggapos.
25Ngunit nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Diyos, at sila'y pinapakinggan ng mga bilanggo.
26At biglang nagkaroon ng isang malakas na lindol, anupa't ang mga pundasyon ng bilangguan ay nayanig, agad na nabuksan ang lahat ng mga pinto, at nakalag ang mga tanikala ng bawat isa.
27Nang magising ang bantay ng bilangguan at makitang bukas ang mga pinto ng bilangguan, binunot niya ang kanyang tabak at magpapakamatay na sana dahil sa pag-aakalang nakatakas ang mga bilanggo.
28Ngunit sumigaw si Pablo nang malakas, “Huwag mong saktan ang iyong sarili, sapagkat naririto kaming lahat.”
29At ang bantay#16:29 Sa Griyego ay siya. ay humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob, at nanginginig sa takot na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas.
30Nang sila'y mailabas ay sinabi niya, “Mga ginoo, ano ang kailangan kong gawin upang maligtas?”
31At kanilang sinabi, “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.”
32Ipinangaral nila sa kanya ang salita ng Panginoon at sa lahat ng nasa kanyang bahay.
33Sila'y kanyang kinuha nang oras ding iyon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga sugat, at agad siyang binautismuhan, pati ang buo niyang sambahayan.
34Sila'y kanyang pinapanhik sa kanyang bahay at hinainan sila ng pagkain. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagalak na sumampalataya siya sa Diyos.
35Kinaumagahan, ang mga hukom ay nagsugo ng mga kawal, na nagsasabi, “Pakawalan mo ang mga taong iyon.”
36At iniulat ng bantay ng bilangguan kay Pablo ang mga salitang ito, na sinasabi, “Ipinag-utos ng mga hukom na kayo'y pakawalan; kaya't ngayon ay lumabas kayo at humayo nang payapa.”
37Subalit sinabi sa kanila ni Pablo, “Pinalo nila kami sa harap ng bayan, na hindi nahatulan, mga lalaking Romano, at kami'y itinapon sa bilangguan at ngayo'y lihim na kami'y pawawalan nila? Hindi maaari! Hayaan silang pumarito at kami'y pakawalan.”
38Iniulat ng mga kawal ang mga salitang ito sa hukom at sila'y natakot nang kanilang marinig na sila'y mga mamamayang Romano;
39kaya sila'y dumating at humingi sa kanila ng paumanhin. At sila'y kanilang inilabas at hiniling sa kanila na lisanin ang lunsod.
40Nang sila'y makalabas sa bilangguan, pumunta sila kay Lydia; at nang makita nila ang mga kapatid, ay kanilang inaliw sila, pagkatapos ay umalis.
Kasalukuyang Napili:
MGA GAWA 16: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001