Sapagkat matagal na silang hindi kumakain, tumayo si Pablo sa gitna nila, at sinabi, “Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin, at hindi naglayag mula sa Creta, at naiwasan ang kapinsalaan at kapahamakang ito.
Ngayon ay ipinapakiusap ko sa inyo na inyong lakasan ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapahamak sa inyo, kundi ang barko lamang.
Sapagkat sa gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang isang anghel ng Diyos na nagmamay-ari sa akin, at siya ko namang pinaglilingkuran,
na nagsasabi, ‘Huwag kang matakot, Pablo. Kailangan mong humarap kay Cesar. At tunay na ipinagkaloob ng Diyos ang kaligtasan sa lahat ng kasama mo sa paglalayag.’
Kaya, mga ginoo, lakasan ninyo ang inyong loob, sapagkat ako'y sumasampalataya sa Diyos na mangyayari ito ayon sa sinabi sa akin.
Subalit tayo'y kailangang mapadpad sa isang pulo.”
Nang dumating ang ikalabing-apat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa kabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating-gabi na ay inakala ng mga mandaragat na sila'y papalapit na sa lupa.
Nang kanilang tarukin ay nalamang dalawampung dipa; at pagkasulong ng kaunti ay tinarok nilang muli at nalamang may labinlimang dipa.
Sa takot naming mapapadpad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan at nanalanging mag-umaga na.
Subalit nang magtangka ang mga mandaragat na makaalis sa barko at ibinaba ang bangka sa dagat, na ang idinadahilan ay maghuhulog sila ng mga angkla sa unahan,
ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, “Malibang manatili ang mga taong ito sa barko, kayo'y hindi makakaligtas.”
Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.
Nang mag-uumaga na, hinimok silang lahat ni Pablo na kumain, na sinasabi, “Ang araw na ito ang ikalabing-apat na araw na kayo'y naghihintay na walang kinakaing anuman.
Kaya't ipinapakiusap ko sa inyo na kayo'y kumain; ito ay para sa inyong kaligtasan, sapagkat hindi malalaglag kahit ang isang buhok sa ulo ng sinuman sa inyo.”
Nang masabi na niya ito, at makakuha ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Ito'y kanyang pinagputul-putol at nagsimulang kumain.
Nang magkagayo'y lumakas ang loob ng lahat, at sila nama'y kumain din.
Kaming lahat na nasa barko ay dalawandaan at pitumpu't anim na kaluluwa.
Nang makakain na sila nang sapat, pinagaan nila ang barko sa pamamagitan ng pagtatapon ng trigo sa dagat.
Nang mag-umaga na, hindi nila napansin ang lupa, ngunit nababanaagan nila ang isang look na may baybayin, at sila'y nagbalak na maisadsad doon ang barko.
Inihulog nila ang mga angkla at kanilang iniwan iyon sa dagat samantalang kinakalag ang mga tali ng mga ugit. Nang maitaas na nila sa hangin ang layag sa unahan ay nagtungo sila sa baybayin.
Ngunit pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, ay kanilang isinadsad ang barko at ang unahan ng barko ay hindi nakaalis at nanatiling hindi kumikilos, at ang hulihan ay winasak ng lakas ng mga alon.
Ang balak ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo upang ang sinuma'y hindi makalangoy at makatakas.
Sa pagnanais na iligtas si Pablo, pinigil sila ng senturion sa kanilang balak. Ipinag-utos niya na ang mga marunong lumangoy ay tumalon, at mauna na sa lupa;
at ang mga naiwan ay sumunod, ang ilan ay sa ibabaw ng mga kahoy, at ang iba ay sa bahagi ng barko. Sa gayon ang lahat ay ligtas na nakarating sa lupa.