MGA GAWA 5
5
Si Ananias at si Safira
1Ngunit may isang lalaki na ang pangalan ay Ananias ang nagbili ng isang ari-arian, na may pagsang-ayon ng kanyang asawang si Safira.
2Nalalaman ng kanyang asawa na itinago niya ang ilang bahagi ng pinagbilhan at dinala ang isang bahagi lamang at inilagay sa mga paanan ng mga apostol.
3Sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit napadaig ka kay Satanas#5:3 Sa Griyego ay pinuspos ni Satanas ang iyong puso. at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo, at itago ang bahagi ng pinagbilhan ng lupa?
4Nang ito'y hindi pa nabibili, hindi ba iyon ay nanatiling iyo? At nang maipagbili na, hindi ba nasa iyo ring kapangyarihan? Bakit inisip mo pa ang bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Diyos.”
5Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, siya ay bumagsak at namatay. At sinidlan ng malaking takot ang lahat ng nakarinig nito.
6Tumindig ang mga kabinataan at siya'y binalot, at kanilang dinala siya sa labas at inilibing.
7Pagkatapos ng halos tatlong oras na pagitan, pumasok ang kanyang asawa na hindi nalalaman ang nangyari.
8Sinabi sa kanya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ng gayong halaga ang lupa.” Sinabi niya, “Oo, sa gayong halaga.”
9Sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit kayo'y nagkasundo upang subukin ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nasa pintuan ang mga paa ng mga naglibing sa iyong asawa, at kanilang dadalhin ka sa labas.”
10Agad siyang bumagsak sa kanyang paanan at namatay. Pumasok ang mga kabinataan at natagpuan nilang patay siya. Siya'y kanilang inilabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa.
11Sinidlan ng malaking takot ang buong iglesya, at ang lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito.
Gumawa ng mga Himala ang mga Apostol
12Sa pamamagitan ng mga apostol ay ginawa ang maraming tanda at kababalaghan sa gitna ng mga tao. Naroon silang lahat na nagkakaisa sa portiko ni Solomon.
13Sinuman sa kanila ay di nangahas na makisama sa kanila subalit sila'y itinataas ng mga tao.
14Lalo pang maraming mananampalatayang lalaki at babae ang naidagdag sa Panginoon,
15kaya't dinala nila sa mga lansangan ang mga maysakit, at inilagay sa mga higaan at mga banig upang sa pagdaan ni Pedro ay madaanan man lamang ng anino niya ang ilan sa kanila.
16Nagkatipon din ang maraming bilang ng mga tao mula sa mga bayang nasa palibot ng Jerusalem, na nagdadala ng mga maysakit, at ng mga pinahihirapan ng masasamang espiritu at silang lahat ay pinagaling.
Inusig ang mga Apostol
17Pagkatapos ay kumilos ang pinakapunong pari at ang lahat ng mga kasama niya (na sekta ng mga Saduceo) at sila'y napuno ng inggit.
18Kanilang dinakip ang mga apostol at kanilang inilagay sila sa bilangguang bayan.
19Ngunit kinagabihan ay binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang mga pintuan ng bilangguan, sila'y inilabas, at sinabi,
20“Humayo kayo, tumayo kayo sa templo at sabihin ninyo sa mga tao ang lahat ng mga salita tungkol sa buhay na ito.”
21Nang marinig nila ito, pumasok sila sa templo nang magmamadaling-araw, at nagturo. Nang dumating ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niya, pinulong nila ang Sanhedrin at ang buong kapulungan ng matatanda ng mga anak ng Israel, at nagpadala ng utos sa bilangguan upang sila'y dalhin doon.
22Ngunit nang pumunta ang mga bantay sa bilangguan, hindi sila natagpuan doon. Bumalik sila at nag-ulat,
23na nagsasabi, “Nadatnan naming nakasusing mabuti ang bilangguan, at nakatayo sa mga pintuan ang mga bantay ngunit nang aming buksan ang mga ito ay wala kaming natagpuan sa loob.”
24Nang marinig ng kapitan ng templo at ng mga punong pari ang mga salitang ito, naguluhan sila at nagtataka kung ano kaya ang nangyayari.
25At may dumating at nagsabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nakatayo sa templo at nagtuturo sa mga tao!”
26Nang magkagayo'y sumama ang kapitan sa bantay ng templo at sila'y dinala ngunit walang dahas, sapagkat natatakot na baka sila'y batuhin ng taong-bayan.
27Nang kanilang madala sila, pinatayo sila sa harap ng Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong pari,
28“Hindi#Mt. 27:25 ba't mahigpit naming ipinagbawal sa inyo na huwag kayong magturo sa pangalang ito, ngunit tingnan ninyo, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig pa ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito!”
29Ngunit sumagot si Pedro at ang mga apostol, “Kailangang sa Diyos kami sumunod, sa halip na sa mga tao.
30Ibinangon ng Diyos ng ating mga ninuno si Jesus, na inyong pinatay nang ibitin siya sa isang punungkahoy.
31Siya'y itinaas ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Pinuno at Tagapagligtas, upang bigyan ang Israel ng pagkakataong magsisi,#5:31 Sa Griyego ay magbigay ng pagsisisi sa Israel. at ng kapatawaran ng mga kasalanan.
32Kami'y mga saksi sa mga bagay na ito, gayundin ang Espiritu Santo na ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”
33Nang marinig nila ito, sila'y napoot at ninais na sila'y patayin.
34Ngunit may isang Fariseo sa Sanhedrin na ang pangalan ay Gamaliel, guro ng kautusan, iginagalang ng buong bayan, ang tumindig at nag-utos na ilabas na sandali ang mga lalaki.
35Sinabi niya sa kanila, “Kayong mga lalaking taga-Israel, mag-ingat kayo sa inyong sarili tungkol sa inyong gagawin sa mga taong ito.
36Sapagkat bago pa ang mga araw na ito ay lumitaw na si Teudas, na nagsabing siya'y dakila; at sumama sa kanya ang may apatnaraang tao ang bilang, ngunit siya'y pinatay at ang lahat ng sumunod sa kanya ay nagkawatak-watak at nawalan ng kabuluhan.
37Pagkatapos nito ay lumitaw si Judas na taga-Galilea nang mga araw ng pagpapatala at nakaakit siya ng mga taong sumunod sa kanya; siya man ay napahamak at ang lahat ng sumunod sa kanya'y nagkawatak-watak.
38Ngayo'y sinasabi ko sa inyo, iwasan ninyo ang mga taong ito, at hayaan ninyo sila; sapagkat kung ang panukalang ito, o ang gawang ito ay mula sa tao, ito'y mawawasak.
39Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila makakayang wasakin. Baka matagpuan pa kayong nakikipaglaban sa Diyos!”
40Sila'y napaniwala niya. Nang maipatawag nila ang mga apostol, hinagupit sila at inutusang huwag nang magsalita sa pangalan ni Jesus, at sila'y pinalaya.
41Sa kanilang pag-alis sa Sanhedrin, nagalak sila na ituring na karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan.
42Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, hindi sila tumigil sa pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang Cristo.
Kasalukuyang Napili:
MGA GAWA 5: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001