MGA GAWA 6
6
Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod
1Nang mga araw ngang ito, nang dumarami ang bilang ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista#6:1 Tingnan sa Talaan ng mga Salita. laban sa mga Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi.
2Tinawag ng labindalawa ang buong kapulungan ng mga alagad, at sinabi, “Hindi nararapat na aming pabayaan ang salita ng Diyos, at maglingkod sa mga hapag.
3Kaya mga kapatid, pumili kayo sa inyo ng pitong lalaking may mabuting pagkatao, puspos ng Espiritu at ng karunungan, na aming maitatalaga sa tungkuling ito,
4samantalang kami, bilang aming bahagi, ay mag-uukol ng aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod sa salita.”
5Nasiyahan ang buong kapulungan sa kanilang sinabi at pinili nila si Esteban, lalaking puspos ng pananampalataya at ng Espiritu Santo, kasama sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na isang naging Judio na taga-Antioquia.
6Kanilang pinaharap sila sa mga apostol at sila'y ipinanalangin at ipinatong ang kanilang mga kamay sa kanila.
7Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumaming lubha ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem at napakaraming pari ang sumunod sa pananampalataya.
Dinakip si Esteban
8Si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga tanda sa mga tao.
9Ngunit tumayo ang ilan mula sa sinagoga, na tinatawag na Mga Pinalaya at ng mga Cireneo, at ng mga Alejandrino, at ng mga taga-Cilicia, at taga-Asia, at nakipagtalo kay Esteban.
10Ngunit hindi sila makasalungat sa karunungan at sa Espiritu na sa pamamagitan nito'y nagsasalita siya.
11Nang magkagayo'y lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki, na nagsasabi, “Narinig naming nagsasalita siya ng mga salitang kalapastanganan laban kay Moises at sa Diyos.”
12Kanilang sinulsulan ang mga taong-bayan, maging ang matatanda, at ang mga eskriba. Siya'y kanilang hinarap, hinuli at dinala sa Sanhedrin.
13Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi na nagsabi, “Ang taong ito'y hindi tumitigil sa pagsasalita ng mga salitang laban sa Dakong Banal na ito at sa Kautusan.
14Sapagkat narinig naming kanyang sinabi na wawasakin nitong si Jesus na taga-Nazaret ang dakong ito, at babaguhin ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.”
15Nakita ng lahat ng nakaupo sa Sanhedrin na nakatitig sa kanya na ang kanyang mukha ay katulad ng mukha ng isang anghel.
Kasalukuyang Napili:
MGA GAWA 6: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001