Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

AMOS 5:4-17

AMOS 5:4-17 ABTAG01

Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON sa sambahayan ni Israel, “Hanapin ninyo ako, at kayo'y mabubuhay; ngunit huwag ninyong hanapin ang Bethel, at huwag pumasok sa Gilgal, ni dumaan sa Beer-seba; sapagkat ang Gilgal ay tiyak na patungo sa pagkabihag, at ang Bethel ay mauuwi sa wala. Inyong hanapin ang PANGINOON, at kayo'y mabubuhay; baka siya'y magsiklab na parang apoy sa sambahayan ni Jose, at lalamunin nito ang Bethel, at walang makakapatay niyon. O kayo na ginagawa ninyong mapait na kahoy ang katarungan, at inihahagis sa lupa ang katuwiran! Siya na lumikha ng Pleyades at Orion, at ang gabing malalim ay ginagawang umaga, at pinadidilim ang araw upang maging gabi, na tinatawag ang mga tubig ng dagat, at ibinubuhos ang mga iyon sa ibabaw ng lupa ang PANGINOON ang kanyang pangalan; siya ang nagdadala ng biglang pagkawasak laban sa malakas, anupa't ang pagkawasak ay dumarating sa tanggulan. Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuan, at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng katotohanan. Kaya't yamang inyong niyayapakan ang dukha, at pinagbubuwis ninyo siya ng trigo, kayo'y nagtayo ng mga bahay na batong tinabas, ngunit hindi ninyo iyon tatahanan; kayo'y nagtanim ng magagandang ubasan, ngunit hindi ninyo iinumin ang alak niyon. Sapagkat alam ko kung gaano karami ang inyong mga pagsuway, at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan— kayong nagpapahirap sa matuwid, kayo na kumukuha ng suhol, at itinutulak sa isang tabi ng pintuan ang nangangailangan. Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong iyon; sapagkat iyon ay masamang panahon. Hanapin ninyo ang mabuti at hindi ang masama, upang kayo'y mabuhay; at sa gayo'y ang PANGINOON, ang Diyos ng mga hukbo, ay magiging kasama ninyo, gaya ng inyong sinasabi. Inyong kapootan ang masama, at ibigin ang mabuti, at kayo'y magpairal ng katarungan sa pintuang-bayan. Marahil ang PANGINOON, ang Diyos ng mga hukbo, ay magiging mapagpala sa mga nalabi sa Jose. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng mga hukbo, ang Panginoon: “Magkakaroon ng panaghoy sa lahat ng mga liwasan, at sila'y magsasabi sa lahat ng lansangan, ‘Kahabag-habag! Kahabag-habag!’ Kanilang tatawagin ang magbubukid upang magdalamhati, at sa pagtangis ang mga bihasa sa panaghoy. At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy; sapagkat ako'y daraan sa gitna mo,” sabi ng PANGINOON.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa AMOS 5:4-17