“Bagaman sila'y humukay hanggang sa Sheol,
mula roo'y kukunin sila ng aking kamay;
bagaman sila'y umakyat hanggang sa langit,
mula roo'y ibababa ko sila.
At bagaman sila'y magtago sa tuktok ng Carmel,
mula roo'y hahanapin ko sila at kukunin,
at bagaman sila'y magkubli sa aking paningin sa kailaliman ng dagat,
mula roo'y uutusan ko ang ahas, at tutuklawin sila niyon.
At bagaman sila'y mapunta sa pagkabihag sa harapan ng kanilang mga kaaway,
doon ay aking uutusan ang tabak, at papatayin sila niyon.
at aking itititig ang aking mga mata sa kanila
sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti.”
Ang Panginoon, ang DIYOS ng mga hukbo,
na siyang humihipo ng lupain at natutunaw,
at lahat ng naninirahan doon ay tatangis;
at lahat niyon ay tumataas na gaya ng Nilo,
at lulubog uli, na gaya ng Nilo ng Ehipto;
siya na gumagawa ng kanyang mga silid sa langit,
at inilagay ang kanyang pabilog na bubong sa lupa;
siya na tumatawag ng tubig sa dagat
at ibinubuhos ang mga iyon sa ibabaw ng lupa—
PANGINOON ang kanyang pangalan.
“Di ba kayo'y parang mga anak ng Etiopia para sa akin,
O mga anak ni Israel?” sabi ng PANGINOON.
“Hindi ko ba pinaahon ang Israel mula sa lupain ng Ehipto,
at ang mga Filisteo, mula sa Caftor, at ang mga taga-Siria mula sa Chir?
Ang mga mata ng Panginoong DIYOS ay nasa makasalanang kaharian,
at wawasakin ko iyon mula sa ibabaw ng lupa;
gayunman hindi ko lubos na wawasakin ang sambahayan ni Jacob,” sabi ng PANGINOON.
“Sapagkat narito, ako'y mag-uutos,
at aking liligligin ang sambahayan ni Israel sa gitna ng lahat ng bansa,
gaya ng pagliliglig sa pamamagitan ng isang bithay,
subalit hindi malalaglag sa lupa ang pinakamaliit na butil.
Lahat ng makasalanan sa aking bayan ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak,
sila na nagsasabi, ‘Ang kasamaan ay hindi aabot sa atin o sasalubong sa atin.’
“Sa araw na iyon ay ibabangon ko
ang tabernakulo ni David na bumagsak,
at lalagyan ko ng bakod ang mga sira niyon;
at ibabangon ko ang mga guho niyon,
at muli kong itatayo na gaya ng mga araw nang una;
upang kanilang angkinin ang nalabi ng Edom,
at ang lahat ng bansa na tinatawag sa aking pangalan,”
sabi ng PANGINOON na gumagawa nito.
“Ang mga araw ay dumarating,” sabi ng PANGINOON,
“na aabutan ng nag-aararo ang nag-aani,
at ng tagapisa ng ubas ang nagtatanim ng binhi;
ang mga bundok ay magpapatulo ng matamis na alak,
at lahat ng mga burol ay matutunaw.
At aking ibabalik ang kapalaran ng aking bayang Israel,
at kanilang muling itatayo ang mga wasak na bayan, at titirahan nila iyon,
at sila'y magtatanim ng ubasan, at iinom ng alak niyon;
gagawa rin sila ng mga halamanan, at kakain ng bunga ng mga iyon.
At aking ilalagay sila sa kanilang lupain;
at hindi na sila palalayasin pa sa kanilang lupain,
na ibinigay ko sa kanila,” sabi ng PANGINOON mong Diyos.